SOCIAL DISTANCING PAIIGTINGIN SA NAVOTAS

NAGPASA ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng dalawang ordinansa para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng polisiya sa social distancing at para mapalawig ang liquor ban.

Nakasaad sa City Ordinance No. 2020-23, na nag-amyenda sa ordinansa tungkol sa pagsusuot ng face mask, lahat ng mga tao sa mga pampublikong lugar sa Navotas ay kailangan sumunod sa 1-2 metrong social distancing.

Kasama ito sa polisiya na lahat ng mga residente na lalabas ng bahay ay dapat nakasuot ng face mask o kaparehong gamit pangproteksyon.

Ang kumpulan ng mga tao na lagpas sa itinakdang bilang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ay ituturing na paglabag sa ordinansang ito.

Ang mga susuway ay magbabayad ng multang P250 at walong oras na community service para sa unang paglabag, P500 at 16 oras na community service para sa ikalawang paglabag, at P750 at 24 oras na community service para sa ikatlong paglabag.

“Kailangan nating maikintal sa puso at isip ng mga tao na bahagi na ng ating reyalidad ang tamang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing. Ito na ang ating bagong normal para mapanatiling ligtas sa anumang sakit,” ani Mayor Toby Tiangco. (ALAIN AJERO)

70

Related posts

Leave a Comment