SOLON WALANG BILIB SA BOLANG KRISTAL NI ROQUE

MISTULANG walang bilib ang isang administration congresswoman sa crystal ball ni dating Presidential spokesman Harry Roque na humulang i-impeach umano sa Kamara si Vice President Sara Duterte.

Sa press conference kahapon, binuska ni Taguig Rep. Amparo Maria Zamora si Roque dahil nahuhulaan ng kanyang crystal ball na mai-impeach si Duterte subalit hindi nito nahulaan na madadawit siya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“Secretary Roque napakalabo po ng crystal ball ninyo dahil wala po kahit sino man dito kami po ay were into were in the daily briefings from Congress, wala pong kahit na anomang intentions na ma-impeach si VP Sara as in wala, ngayon bakit hindi nya nakita sa crystal ball na nakadawit pala sya sa POGO, yan ang tanong nyo,” ani Zamora.

Si Roque ay kabilang sa iniimbestigahan, hindi lamang sa Senado kundi sa Kamara matapos madawit sa Lucky South 999, ang POGO na nag-ooperate sa Porac, Pampanga na sinalakay ng mga otoridad.

Nadawit ang dating opisyal matapos mabuko na personal niyang sinamahan ang isang Cassandra Li Ong sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para ayusin ang problema ng nasabing POGO.

Bukod dito, nahuli rin sa bahay ni Roque sa Tuba, Benguet ang isang person of interest sa POGO sa Porac, Pampanga kasama ang isa pang Chinese na pinaghahanap ng International Police (Interpol) dahil sa kasong kinakaharap nito sa China.

Sa gitna ng nasabing kontrobersya at hidwaan sa pagitan ng mga Duterte at Marcos, sinabi ni Roque na sinasabi umano sa kanya ng crystal ball na patatalsikin ng Kamara ang Pangalawang Pangulo. (BERNARD TAGUINOD)

66

Related posts

Leave a Comment