SOURCE NG P74.9-M DROGANG NASABAT SA CAVITE, METRO; DRUG LORD SA BILIBID TULOY ANG NEGOSYO

UMABOT sa P74.9 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa Bacoor City sa Cavite, Valenzuela City, Quezon City at Caloocan City.

Sa Bacoor City, nasabat ang tinatayang P68 milyong halaga ng umano’y shabu na ibabagsak sana sa Metro Manila at sa lalawigang ito, makaraang madakip ng mga awtoridad ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa Panapaan, Bacoor City.

Sina Reynaldo Moral Cordero at Irene Ilaya Biazon, kapwa residente ng Maricaban, Pasay City, ay natimbog bandang 6:30 ng gabi noong Enero 27 sa Panapaan 4 , Bacoor City.

Lulan ng isang Mitsubishi Lancer (WTY-942 ) ang dalawa nang kapwa madakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay NBI Director Dante Gierran, isang impormante ang nagbigay ng tip hinggil sa transaksiyon ng mga suspek sa NBI-MIMAROPA.

Bunsod nito, nagkasa ng operasyon ang magkasanib na puwersa ng NBI-NCR at ng NBI-MIMAROPA at hinarang ang sasakyan ng mga suspek na nagresulta sa pagkakakumpiska sa 10 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang P68 milyon ang halaga.

Samantala, kumpiskado naman ang mahigit P5.9 milyon halaga ng umano’y shabu at marijuana sa dalawang umano’y drug pushers na nadakip sa magkahiwalay na buy-bust operation sa mga lungsod ng Caloocan at Valenzuela noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa ulat, dakong alas-9:00 ng gabi nang madamba si Omair Sultan, 23, ng Phase 12, Brgy. 188, Tala sa Domato Avenue, Phase 12, matapos bentahan ng shabu ang isang undercover na pulis kapalit ng P20,000 marked money kabilang ang isang tunay na P1,000 at 19 piraso ng boodle money.

Bukod sa nasabing kontrabando, nakuha rin sa suspek ang medium size plastic ice bag na naglalaman ng 680 gramo ng shabu na tinatayang P4,624,000 ang street value.

Alas-8:30 naman ng gabi nang masakote ang habal-habal driver na si Dominic Aposaga, 26, sa buy-bust operation sa kanyang bahay sa 76 Gladiola St., Bahayang Pag-asa Subd. sa Maysan, Valenzuela matapos bentahan ng isang plastic bag ng pinatuyong dahon ng marijuana ang isang poseur buyer.

Nakumpiska kay Aposaga ang 14 piraso ng pinatuyong stems at dahon ng marijuana na nakabalot sa transparent plastic, apat na bloke ng ng marijuana, kalahating bloke ng marijuana at pitong plastic sachets ng marijuana na umaabot lahat sa 11 kilo at nasa P1,320,000 ang halaga, P5,000 buy-bust money, dalawang digital weighing scale at P300 cash.

Sa Quezon City, arestado ang suspek na si Dennis Pacanas y Ibañes, 38, anyos, sa isinagawang buy-bust operation sa #108 Lower Everlasting St., Brgy. Payatas A, Quezon City dakong alas-4:30 ng hapon noong Enero 29.

Ayon kay SDEU P/Major Sandie Caparroso, sa nasabing operasyon ay nakumpiska mula sa suspek ang P1 milyong halaga ng umano’y shabu.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO/ALAIN AJERO)

2 BUMALIK SA ISLA NG TAAL, MISSING; NATABUNANG ASO, NASAGIP.

BATANGAS – Hindi pa rin natatagpuan ang dalawang lalaking bumalik sa isla ng Taal sa kasagsagan ng pag-aalburoto ng bulkan noong Enero 12.

Kinilala ang mga nawawala na sina Alexander Dando Jr. at Marlon Deteral, kapwa residente ng Barangay Alas-As sa isla ng Taal, sakop ng bayan ng San Nicolas.

Ayon sa mga kaanak ni Dando, bandang alas-4:30 ng hapon noong Linggo, Enero 12, nag-text ang biktima at sinabing bumalik siya sa isla dahil sa paniwalang humuhupa na ang pag-aalburoto ng bulkan.

Alas-11:00 ng umaga noon nang mag-alisan ang mga residente sa isla dahil sa aktibidad ng Taal.

Nakalikas na umano si Dando ngunit dahil nakainom ay naging makulit at nagpasyang bumalik. Mula noon ay hindi na siya makontak ng mga kaanak.

Sa kabilang dako, tumanggi naman umanong sumakay sa huling papaalis na bangka sa isla ang nawawala ring si Deteral.

Ayon sa kapatid, bumalik ang biktima sa kanilang bahay sa pag-aakalang naiwan ang kanilang ina  na napag-alamang nauna na palang nakalikas. Hindi na rin nakita si Deteral mula noon.

Makalipas ang halos dalawang linggo, umaasa pa rin ang mga kaanak ng dalawa na nakaalis ang mga ito sa isla at napunta lamang sa malayong evacuation center.

Ayon naman sa mga awtoridad, hindi pa sila makapagsagawa ng search and rescue operation dahil sa naka-lock down pa rin ang buong isla.

Samantala, himalang nasagip ang isang aso na 15 araw na nabaon sa makapal na abo na galing sa Bulkang Taal.

Sa video post ng netizen na si Germie Balba, makikitang binalikan ng kanyang kapatid ang kanilang bahay sa Barangay Pulangbato, sa bayan ng San Nicolas noong Lunes, 15 araw makalipas ang pag-alburoto ng Taal.

Ang Pulangbato ay isa sa mga barangay na nasa mismong pulo ng Taal volcano sakop ng bayan ng San Nicolas.

Laking tuwa ng dalawa nang matapos nilang hukayin ang makapal na abo ay tumambad ang hawlang kahoy  na kinalalagyan ng aspin na si Idol.

Winasak nila ang hawla at sinikap na mailabas si Idol na halos ay namayat na sa uhaw at gutom.

Kahit naghihina, lumakad at tumayo ang aso at tinanaw ang kabuuan ng isla na tila naninibago sa kanyang kapaligiran.

Laking tuwa naman ng mga netizen sa pagkakaligtas kay Idol at sa pagmamalasakit ng magkapatid na hukayin ang kinaroroonan ng aso. (NILOU DEL CARMEN)

LALAKI PATAY SA TAGA NG PAMANGKIN DAHIL NANGHIRAM NG BATERYA NANG WALANG PAALAM

CAPIZ – Patay ang isang lalaki nang pagtatagain siya ng pamangkin matapos niyang ipahiram ang baterya ng sasakyan ng suspek, iniulat nitong Huwebes ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Esmundo Gapi, 62-anyos, residente ng Barangay San Nicholas, Tapaz, Capiz.

Kusa namang sumuko sa pulisya ang suspek at pamangkin ng biktima na kinilalang si Joey Melicado, 35-anyos, residente ng nasabing lugar.

Batay sa report ng Tapaz Municipal Police Station, nagtalo ang magtiyuhin nang malaman ng suspek na ipinahiram ng biktima ang baterya ng kanyang sasakyan na hindi ipinaalam sa kanya.

Sa tindi ng galit ng suspek, kumuha siya ng itak at pinagtataga sa ulo at tiyan ang kanyang tiyuhin.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklarang patay na. (ANNIE PINEDA)

MAGSASAKA, KALABAW NAKURYENTE SA PALAYAN

LEYTE – Patay ang isang magsasaka at alaga nitong kalabaw makaraang makuryente nang  masagi nila ang nakalaylay na live wire sa palayan, iniulat nitong Huwebes ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang namatay na si Romualdo Pace, 69, residente ng Brgy. Santiago, Alangalang, Leyte.

Batay sa repot ng Alangalang Municipal Police Station, nangyari ang insidente sa Brgy. Tombo, bayan ng Alangalang sa nasabing lalawigan.

Lumabas sa imbetigasyon, hila-hila ni Pace ang kanyang alagang kalabaw patungong bukid habang may kargang abono nang masagip nila ang naputol na live wire na umano’y naputol sa pananalasa ng bagyong Ursula ngunit hindi naayos ng Leyte III Electric Cooperative (LEYECO III).

Bunsod nito, nagkikisay si Pace at bumulagta sa gitna ng daan habang nasunog naman ang kalahating parte ng katawan ng kalabaw.

Patuloy ang imbestigasyon sa pulisya sa insidente at inaalam kung may pananagutan ang LEYECO dahil sa kapabayaan.

Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ni Pace. (ANNIE PINEDA)

MAG-ASAWA NAGLAKO NG SHABU

CAVITE – Nabisto na hindi lamang gulay ang itinitinda ng isang mag-asawa makaraang madakip sa buy-bust operation sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang mag-asawang sina Enrique Herrera, alyas “Rick”, 51, magsasaka, at Clarita, 50, vendor ng gulay, kapwa residente ng Brgy. Paradahan 1, Tanza, Cavite.

Ayon sa ulat  ni Pat. Ehdcel Manalo ng Tanza Municipal Police Station, dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi nang naaresto ang mag-asawa sa aktong nakikipagtransaksyon sa isang poseur buyer sa Brgy. Paradahan 1, Tanza.

Nauna rito,  nakatanggap ng impormasyon ang Tanza CPS na bukod sa pagbebenta ng gulay, ang mag-asawa ay dumidiskarte rin sa pagtutulak ng ilegal na droga kaya nagkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.

Nakuha sa mag-asawa ang isang sachet ng shabu o 1 gramo na P2,000 ang street value.

Ang mag-asawa na kabilang sa listahan ng  Street Level Target  (SLT) watchlist, ay kapwa nakakulong na sa Tanza Custodial Center. (SIGFRED ADSUARA) 

GURO KINATAY NG KATAGAY

PANGASINAN – Patay ang isang guro makaaang pagsasaksakin at gilitan sa leeg ng dalawang kainuman, iniulat nitong Huwebes ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Arnaldo Tabucol, 29-anyos, English teacher at residente ng Tayug, Pangasinan.

Batay sa report ng Tayug Police Station, noong Martes nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa bukid sa Brgy. Libertad, ng nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon, bago ang insidente, nakita ang biktima habang nakikipag-inuman sa mgA suspek ngunit hindi na nakauwi sa kanilang bahay.

Sa follow-up operation ng pulisya, nadakip ang 17-anyos na suspek nang makorner sa isang checkpoint gamit ang motorsiklo ng biktima.

Samantala, patuloy ang mga awtoridad sa pagtugis sa isa pang suspek.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang posibleng motibo sa pagpaslang sa biktima. (ANNIE PINEDA)

PULIS PATAY SA TANDEM

NEGROS Oriental – Patay ang isang pulis makaraang pagbabarilin ng riding in tandem, iniulat ng mga awtoridad nitong Huwebes ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Executive Master Sergeant Roldan Esmajer, nakadestino sa San Jose Municipal Police Station, at residente ng Barangay Tampi ng nasabing bayan.

Batay sa report ng San Jose Municipal Police Station, nangyari ang insidente sa Barangay Tapon Norte B ng naturang bayan.

Lumabas sa paunang imbestigasyon, sakay ang biktima ng motorsiklo nang walang habas siyang pagbabarilin ng riding in tandem.

Agad namang dinala sa Siliman University Medical Center ang biktima ngunit nalagutan ng hininga sanhi ng mga tama na bala sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang posibleng na motibo sa krimen. (ANNIE PINEDA)

LALAKI NAHULOG  SA BANGIN, PATAY

CAMARINES Sur – Walang buhay na natagpuan ang isang lalaki na hinihinalang nahulog sa bangin, iniulat ng pulisya nitong Huwebes ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Ruel Llanita, 30-anyos at residente ng Sitio Bulalahin, Brgy. Tible, Sipocot, Camarines Sur.

Batay sa report ng Sipocot-PNP, nakita na lamang ang bangkay ng biktima sa bangin na may lalim na 25-talampakan, ilang metro ang layo mula sa kanilang tahanan.

Ayon sa kaanak, umaga ng umalis sa kanilang bahay si Llanita para pumunta sa kanyang sakahan ngunit gabi na ay hindi pa rin ito nakauuwi.

Agad namang hinanap ng kanyang pamilya ang biktima at natagpuan ito sa bangin ngunit wala nang buhay sanhi ng sugat sa ulo at katawan.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung may nangyaring foul play sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)

3 KONSEHAL NAGSUNTUKAN SA LAOAG CITY HALL

ILOCOS Norte – Nauwi sa suntukan ang mainitang diskusyon sa kanilang sesyon ng tatlong city councilor sa Laoag City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles bago maghatinggabi.

Nangyari ang rambulan sa harap ng Laoag City Hall na sakop ng Brgy. 10, bandang alas-11:24 sa pagitan umano nina City Councilors  Justine Clarence Gomez Chua, 26;  Edison Uy Chua, 56, kapwa residente ng Brgy. 16, at ang suspek na si City Councilor Edison Hernando Bonoan, kasama ang kanyang pamangkin na si Mark Christian Bonoan Dumbriguez, parehong nasa hustong gulang at residente ng Brgy. 50, Buttong,  pawang ng nasabing lunsod.

Batay sa imbestigasyon ng Laoag City Police Station, bago ang kaguluhan, paalis na umano si Councilor Justine Chua sa City Hall at ang kanyang mga kasamahan dakong alas-7:30 ng gabi, kung saan naroon din si Councilor Edison Bonoan at pamangkin nito.

Nasa loob na umano si Justine Chua ng sasakyan ng isa pang City Councilor na si Jaybee Baquiran, nang lapitan ito ni Edison Bonoan  at sinigawan ng  masasakit na salita at saka pinagsusuntok nang makailang beses sa mukha kaya napilitang gumanti ang biktima.

Nang mapansin naman ni Councilor Edison Chua na katabi sa upuan ni Justine, ang kaguluhan, agad itong bumaba ng sasakyan at sinuntok naman si Bonoan, sa puntong ito ay nakialam na si Mark Christian Dumbriquez at kanyang sinuntok si Councilor Edison Chua, dahilan para lumala ang kaguluhan.

Natigil lamang ang rambulan nang magresponde ang mga miyembro ng Civil Security Unit ng Loag City.

Nabatid na nagkaroon nang mainitang diskusyon ang mga councilor habang nagsasagawa ng sesyon bago nangyari ang suntukan. (NICK ECHEVARRIA) 

MISSING TAXI DRIVER, NATAGPUANG PATAY SA LOOB NG ISANG DRUM

NABUBULOK na ang bangkay ng isang nawawalang taxi driver nang matagpuan sa loob ng drum sa isang abandonadong comfort room sa Port Area, Manila, iniulat ng pulisya kahapon.

Ang biktimang si Jamal Tagsayan y Arurao, residente ng Barangay 647, Zone 67, San Miguel, Quiapo, Manila ay kinilala ng kanyang ina at tiyahin.

Batay sa imbestigasyon ni Det. Donald Panaligan ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 1:10 ng hapon nitong Enero 29 nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng isang CR sa Barangay 650, Zone 68, sa Port Area.

Natunton ang bangkay ng biktima dahil sa masangsang na amoy makaraan ang ilang araw na pagkawala.

Unang nakita ang nakalabas na mga paa ng biktima sa nasabing drum  at nakabalot sa plastic ang ulo.

Hindi pa matiyak kung may tama ng saksak o bala ng baril ng ang biktima.

Napag-alaman sa mga kaanak, tatlong araw nang nawawala ang biktima at ang minamanehong taxi nito ay natagpuan sa Cavite St. sa Sta Cruz, Manila.

Makaraang matagpuan ang taxi ay agad tumawag ang operator nito sa asawa ng biktima sa Surigao.

Napag-alaman, tatlong araw na ang nakalilipas nang tumawag umano ang biktima sa kanyang misis at humihingi ng tulong.

“Ma.. tulungan mo ako, nandito ako sa Pier..” ito umano ang pahayag ng biktima nang huling tumawag sa kanyang misis.

Huling nakita ng ina na buhay ang biktima sa kanilang bahay sa San Agustin St., San Miguel, Manila.

Inaalam ng pulisya kung hinoldap o may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpaslang sa biktima. (RENE CRISOSTOMO)

3 CHINESE ARESTADO SA SEX DEN SA MAKATI

ARESTADO ang tatlong Chinese national makaraang salakayin ng mga tauhan ng Makati City Police ang isang establisimiyento na hinihinalang sex den, habang nasagip ang 13 kababaihan at limang empleyado sa lungsod na ito, noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang mga arestado na sina Kevin Sy, 25, at Xiao Lao, 23, kapwa maintainer umano ng sex den, at ang kustomer na si Tong Po, 25-anyos.

Habang 13 kababaihan ang nasagip, kabilang ang siyam na Chinese nationals, dalawang Russian at dalawang Vietnamese, habang limang empleyadong Filipino ang inimbitahan ng pulisya para sa imbestigasyon.

Base sa isinumiteng report ni Simon, nakumpirma ang ilegal na operasyon sa Golden Dragon Spa sa #1847 K&K Building sa Evangelista St., Barangay Pio del Pilar ng naturang lungsod.

Ayon sa ulat, isang police asset ang nagpanggap na kustomer at nagbayad ng halagang P22,000 para sa sex service sa mga dayuhang babae.

Dakong alas-10:35 ng gabi nang salakayin ng mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Section, sa pangunguna ni Police Major Gideon Ines, ang naturang establisimiyento.

Pagkaraan ay tumambad sa kanila ang mga babaeng dayuhan sa mga kuwarto at may nakitang condoms at sex toys.

Agad namang dinala ang mga dayuhan sa nasabing himpilan ng pulisya at ang mga babaeng nasagip ay dinala sa tanggapan ng Women and Children’s Protection Desk.

Nahaharap ang tatlong naarestong dayuhan sa kasong human trafficking habang inaalam ng pulisya kung may kaukulang business permit ang establisimiyento para tuluyan itong maipasara.

Sinabi ni Simon, pang-anim na establisimiyento na ginagawang sex den ang kanila nang sinalakay sa nasabing lungsod.

FIL-AM, 2 PA TIKLO SA DROGA

ARESTADO ang tatlong kalalakihan, kabilang ang isang Filipino-American national, nang mahulihan ng P.6 milyong halaga ng high grade marijuana at ecstacy sa ikinasang buy-bust operation ng mga pulis kahapon ng madaling araw sa Taguig City.

Kinilala ni Police Col. Celso Rodriquez, hepe ng Taguig City Police, ang mga nadakip na sina Reggie Raphael Galang, 28, ng Room 8003, Tower 2, Ridgewood Tower, Condo Corp, C5, Barangay Ususan, Taguig City; Joshua Cuanzon, 31, tubong Alaska, USA, nakatira sa  #2025 Cityland Vito Cruz Towers,  at Yuan Marc Mendoza, 19, ng #909 University Pad, kapwa taga  Malate, Maynila.

Batay sa isinumiteng report ni Police Col. Rodriquez, dakong ala-1:45 ng madaling araw nang isagawa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drugs Enforcement Unit (SDRU) laban sa mga suspek malapit sa gasoline station sa C5 Road, Barangay Ususan, Taguig City.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng droga at nang magpositibo ay inaresto ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang limang pirasong malalaking ziplock ng high grade marijuana, 3 maliliit na ziplock ng nasabi ring droga, tatlong malalaking ziplock ng ecstacy powder at isang malaking ziplock na may lamang kapsula.

Sinabi ng opisyal, ang high grade marijuana ay nasa 177 gramo na may halagang P212,000 at ang powder ecstasy ay nasa 89.85 gramo, na may halagang P476,205.

Ang mga suspek ay nakakulong na sa nasabing himpilan ng pulisya at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 and 11 Article II ng Republic Act  9165 0 Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

MAG-ASAWANG SENIOR SA QC PINATAY

PATAY na nang matagpuan ang mag-asawang senior citizen sa kanilang bahay sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga biktimang sina Leonardo Ollano, 69, at Nida Ollano, 63-anyos.

Batay sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang krimen dakong alas-8:45 noong Huwebes ng gabi sa bahay ng mga biktima sa Maya Street ng nabanggit na barangay.

Sa salaysay sa pulisya ng kaanak ng mag-asawa na si Hermogenes Timola, walang ilaw at nakakandado ang pintuan ng kanilang bahay nang siya ay dumating.

Bunsod nito, napilitan umano siyang dumaan sa ikalawang palapag ng bahay at tumambad sa kanya ang magulong mga gamit.

Pagbaba ni Timola sa sala ay nadiskubre niya ang mga biktima na nakahandusay at tadtad ng saksak sa katawan.

Hindi natagpuan ng pulisya sa lugar ang kutsilyo na ginamit sa krimen maliban sa isang pares ng tsinelas na posibleng naiwan ng suspek.

Pagnanakaw ang isa sa tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen. (JG TUMBADO)

 

451

Related posts

Leave a Comment