(PHOTO BY KIER CRUZ)
SIMULA ngayong Biyernes, mararamdaman na umano ng mga customer ng Manila Water ang pagbabalik ng supply ng tubig matapos ang mahigit isang linggong kawalan ng supply.
Ang paniniyak ay galing kay Manila Water communications manager Dittie Galang matapos sabihing gumanda ang rate sa water refill ng mga reservoir kaya bumalik sa normal ang kanilang imbak ng tubig.
Ang bugso ng tubig ay may halong kulay dahil umano sa mga mineral na galing sa lupa. Maaari umano itong magamit panglinis o pandilig ngunit hindi maaaring inumin kahit pa pakuluan.
Pinaka-apektado ngayon ng water shortage ang Mandaluyong, Pasig City at Rizal.
Nitong Huwebes ay bumaba pa sa 68.78-meters ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam na siyang pinagkukunan ng supply ng Manila Water. Ito na ang pinaka-mababang lebel ng tubig na naitala sa naturang dam sa nakalipas na dalawang dekada.
Sa kabila nito, isinisi pa ng Manila Water sa gobyerno ang nararanasang water shortage.
“Ang mandato ng supply talaga kumbaga ay nasa pamahalaan. Ang Manila Water ay concessionaire. Yung tubig na mayroon kami, (gobyerno) ang bahala na mag-distribute, mag-operate ng facilities,” ani Manila Water corporate communications head Jeric Sevilla.
Sinagot naman sila ni presidential spokesperson Salvador Panelo na “Inefficiency lang yan, mismanaged (water crisis issue). E di artificial lang ‘yun kung ganon. If the sources is puno and the other concessionaire has puno also, bakit yung isa (Maynilad) hindi (apektado ng krisis sa tubig),” sabi pa nito.
Una nang nagbanta ang consumer ng Manila Water na magsasampa ng class suit dahil sa perhuwisyong idinulot ng biglaang pagkawala ng supply ng tubig sa east zone.
Nakatakda na rin sanang pulungin ng Mandaluyong Council upang malaman ang lalim ng pinsala ng kawalan ng tubig para makapagdeklara ng state of calamity sa lungsod.
154