ISANG resolusyon ang inihain ng kaanak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para palawigin ang termino ng mga kongresista.
Base sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 8 na inakda ni Ilocos Norte 2nd District Congressman Angelo Marcos Barba, nais nito na gawing limang taon ang termino ng congressmen mula sa kasalukuyang tatlong taon.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang termino ng mga kongresista kasama ang local officials maliban sa barangay officials ay 3 taon at pwede silang tumakbo ng 3 beses para sa kabuuang 9 taon.
“Whereas, the nine year period is not enough for the members to fully serve their constituent and their proposed legislative agenda are, most of the time, left unenacted due to various priorities,” ayon sa nasabing resolusyon.
Dahil dito, kailangan aniyang gawing 5 taon ang termino ng mga kongresista kung saan dalawang beses lamang ang mga ito pwedeng tumakbo sa magkasunod na termino para sa kabuuang 10 taon.
Tanging ang Congressmen ang nais ni Marcos-Barba na mapalawig ang termino at hindi kasama ang local officials.
Agad naman itong tinabla ng liderato ng Kamara dahil ang nais umano ng mga ito ay amyendahan lang ang economic provisions sa Saligang Batas at hindi kasama ang political amendments.
“We are sticking with that advocacy, because that is what we think will be good for the country and that is what we believe the people will accept,” ani House majority leader Jose Manuel Dalipe. (BERNARD TAGUINOD)
120