NAGPAPASAKLOLO na sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang iba’t ibang transport groups sa epekto sa kanila ng oversupply ng motorcycle taxi sa bansa.
Ayon kay Melencio ‘Boy’ Vargas, national president ng ALTODAP labis na silang nasasaktan sa naglipanang mga MC taxi na halos 50 porsyento ng kabuuang kita sa transportasyon ay kinakain na ng mga ito.
Sinabi ni Vargas na halos lahat ng grupo ng transportasyon ay apektado ng oversupply ng MC taxi kabilang na ang mga pampasaherong jeep, bus, taxi, at maging ang mga utility van.
“Kung hindi makokontrol ang pagdami ng MC taxi ay malulumpo ang iba pang grupo sa transportasyon, halos wala nang naiuuwing kita ang ibang pampasaherong sasakyan.
Bukod dito, pinangangambahan na lumala pa ang traffic congestion partikular sa Metro Manila sa naglipanang MC taxi gayundin ay patuloy na nalalagay sa panganib ang seguridad ng mga pasahero.
Una na ring nanawagan ang ibang transport organizations kabilang na ang Pasang Masda, NPTC, NACTODAP, LTOP at iba pang grupo na panatilihin lamang sa 45,000 ang motorcycle taxi cap.
Ibinabala ng mga grupo na may malaking negatibong epekto rin sa transport infrastructure ang hindi makontrol na pagdami ng mga ito.
“Every additional motorcycle taxi exacerbates our traffic woes and sidelines traditional transport sectors crucial for our city’s mobility,” diin ng mga grupo.
67