(NI KEVIN COLLANTES)
MAHIGIT sa 500 pasahero ang pinababa Lunes ng hapon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), na napilitan pang maglimita ng biyahe, matapos umusok ang sinasakyang tren ng mga ito sa area ng Santolan Station, sa oras pa naman ng rush hour.
Batay sa inisyung advisory ng Department of Transportation (DOTr)-MRT 3, nabatid na dakong alas-4:08 ng hapon nang mapuna ng driver ang usok mula sa isang tren nila sa northbound ng Santolan Station.
Dahil dito, napilitan ang MRT-3 na pababain ang may 530 na pasahero ng tren.
Kaagad ring pinuntahan ng mga tauhan ng maintenance provider ng MRT-3 na Sumitomo-Mitsubishi Heavy ang umusok na tren upang alamin ang naging dahilan ng aberya at kaagad itong kumpunihin.
Pagsapit ng alas-4:30 ng hapon ay nagpasya rin ang MRT-3 na magpatupad ng provisionary service o limitahan ang biyahe ng kanilang mga tren mula Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue at vice versa habang hindi pa naaayos ang problema.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagbibigay ng update ang MRT-3 kung naayos na ang problema, ano ang pinagmulan nito, at kung nabalik na sa normal ang kanilang mga biyahe.
Humihingi rin naman ng paumanhin ang MRT-3 sa nangyari at tiniyak na masusi nila itong iimbestigahan upang hindi na maulit pang muli.
“We apologize for the inconvenience,” anang MRT-3. “Rest assured that our rehabilitation and maintenance provider, Sumitomo-Mitsubishi Heavy, will conduct a thorough investigation regarding this incident, and implement measures to prevent this from happening again. We will apprise you of further updates.”
Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.
174