TS LEON POSIBLENG TUMAMA SA PILIPINAS SA LINGGO

BUKOD sa National Disaster Risk Reduction and Management Council at kanilang operating arms sa pangunguna ng Office of Civil Defense, naghahanda na rin ang Philippine Red Cross (PRC) sa isa pang bagyong nagbabantang pumasok sa area of responsibility ng bansa.

Nagbabala rin si PRC Chairman at CEO Richard Gordon dahil palakas aniya nang palakas ang mga bagyong dumarating sa bansa kaysa inaasahan.

Kung hindi magbabago ang tinatahak na direksyon nang namataang tropical depression ng Japan Meteorological Agency (JMA) sa bisinidad ng Guam na sinasabing ganap nang isang tropical storm na may international name na Kong-rey, ay maaari itong pumasok sa Philippine PAR sa Linggo at tatawagin itong Typhoon “Leon”.

Sa ngayon, nakakalat na ang humanitarian caravans ng Red Cross sa mga lugar na apektado ng Bagyong Kristine na inaasahang lalabas na Pilipinas sa Sabado.

Nakaalerto rin ang Red Cross sa banta ng pagragasa ng lahar mula sa Bulkang Mayon sa Albay.

Samantala, umakyat na sa mahigit 3.3 million na mga Pilipino ang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Kristine sa bansa habang mahigit sampung libong indibiwal naman ang pumiling lumikas dahil sa epekto ng bagyo.

Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development kahapon. Ayon kay DSWD Asec. Irene Dumlao, mahigit 805,000 na pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa Ilocos Region pa lamang, kabilang na ang karagdagang 40,000 na pamilya.

Aabot naman sa kabuuang 288,000 na indibidwal o katumbas ng 75,000 na pamilya ang namamalagi sa mahigit 3,300 shelters na itinalaga ng gobyerno.

Paliwanag ni Dumlao, biglang lobo ang numero ng mga apektadong Pilipino matapos na maipasa sa kanila ang disaster reports mula sa Region 1, 2, at mula sa Central Luzon.

Kaugnay nito, nakapaghatid na rin ang ahensya ng P111 million na halaga ng humanitarian aid.

Ito ay kinabibilangan ng mahigit 150,000 family food packs at non-food items sa evacuations centers kung saan namamalagi ang lumikas na mga pamilya. (JESSE KABEL RUIZ)

34

Related posts

Leave a Comment