VP SARA BANTA NA SA DEMOKRASYA?

HINDI na pinalagpas ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-amin ni Vice President Sara Duterte na kumontrata na ito ng taong papatay kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag napatay siya.

Kasabay nito, tumayo ang mga kinatawan ng iba’t ibang political party na kaalyado ng administrasyon kung saan binakbakan ng mga ito ang Pangalawang Pangulo, hindi lamang sa mga wala umanong basehang alegasyon nito kundi maging ang hindi paggalang sa kapulungan.

“Let me be clear: Hindi na ito biro. Hindi na ito normal na pananalita. Isa itong direktang banta sa ating demokrasya, sa ating pamahalaan, at sa seguridad ng ating bansa,” ani Romualdez sa kanyang privilege speech kahapon.

“Such a statement is not just reckless — it is dangerous. It sends a chilling message to our people, a message that violence can be contemplated by those in positions of power. This is not just an affront to the individuals targeted; it is an attack on the very foundation of our government,” ayon pa sa lider ng Kamara.

Idinagdag nito na ang alegasyon ni Duterte na sinisiraan niya ito dahil sa political ambition ng pangalawang pangulo sa 2028 ay walang basehan dahil hindi umano kasama sa kanyang pulitika ang paninira.

Naniniwala si Romualdez na ang mga alegasyon ng pangalawang pangulo ay taktika lamang nito para takpan ang isyu sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na iniimbestigahan ng Kamara.

“Kung wala kang itinatago, bakit hindi sagutin ang mga tanong? Karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan,” hamon pa ni Romualdez kay Duterte na nasa People’s Center lamang – walking distance mula sa plenaryo ng Kamara kung saan dumadalo ito sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability.

Hindi rin nagustuhan ni Romualdez ang pagsugod ni Duterte sa Batasan Pambansa noong Huwebes ng gabi kung saan hindi umano nito iginalang ang protocols dahil sa pagtatanggol sa kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.

“Ang Kongreso ay sagrado. Ang mga patakaran at seguridad dito ay hindi nilalabag. Ang paglabag sa mga ito ay kawalang-galang sa taumbayan na ating pinaglilingkuran,” giit ni Romualdez kaya dapat itong ipaglaban ng mga kinatawan ng mahigit 100 milyong Pilipino.

Sa magkakahiwalay naman manifesto ng mga kinatawan ng iba’t ibang partido kasama na ang party-list organizations, hindi nagustuhan ng mga ito ang hindi paggalang ni Duterte sa institusyon, pagbabanta sa buhay ng First Couple at kay Romualdez, kundi maging ang mga alegasyon nito laban sa mga kongresista na nag-iimbestiga sa kanyang confidential funds. (BERNARD TAGUINOD)

46

Related posts

Leave a Comment