Walang master plan sa flood control projects ILANG DPWH OFFICIALS PINASISIBAK

UMAPELA ang ilang sektor na alisin sa pwesto ang ilang matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa pag-amin na walang Flood Control master plan ang departamento upang mapigilan ang pagbaha sa kalakhang Maynila at ibang parte ng bansa tuwing may malakas na ulan o bagyo.

Ang panawagan ay kasunod ng pag-amin ni DPWH secretary Manuel Bonoan sa isang Senate hearing, na walang integrated national flood control plans ang ahensya samantalang may bilyon-bilyon pisong pondo ito para sa iba’t ibang infrastructure projects, kasama na ang flood control projects.

Hiniling na rin ng mga sektor na naapektuhan ng malawakang pagbaha nitong nakaraang linggo, na magsagawa ng isang Senate investigation kung mayroong nagaganap na korupsyon sa nasabing ahensya dahil sa kapabayaan nito na magpatupad ng isang flood control system sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan.

Inireklamo rin ng ilang grupo ang pagkakatalaga kay DPWH Assistant Secretary Rey Peter Gilles bilang officer-in-charge ng Region X, kapalit ni Engr. Zenaida T. Tan na nag-retire. Si Gilles ay kasalukuyang DPWH Asst. Secretary for CAR, Regions I, II, IX, X, XI, XII at XIII.

Napag-alaman din na may nakalaang pondo na mahigit isang bilyong piso para sa mga imprastrakturang gagawin sa nasabing mga rehiyon.

Ilang qualified government engineers naman ang karapat-dapat sa nasabing puwesto subalit isa lamang ang pinaboran dito na umano’y malapit na kaibigan ng matataas na opisyal ng DPWH.

Ang DPWH ay may nakalaang P225 bilyong pondo para sa 2024 national budget, kasama na rito ang pagsasagawa at pagkumpuni sa nasirang flood control projects sa bansa dulot ng malalakas na mga bagyo.

Sa isang Senate hearing, inamin ng DPWH na wala pang 30 porsiyento ng flood control project ang nakumpleto nito sa loob ng dalawang dekada.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi rin ni Bonoan na mahigit 5,000 flood control projects na ang naisagawa ng ahensya subalit hindi matukoy ang dahilan kung bakit patuloy pa rin ang malawakang pagbaha sa National Capital Region, Bulacan at Pampanga.

Si DPWH Undersecretary Robert Bernardo na Flood Control project supervisor para sa NCR, at Central Luzon, at si DPWH undersecretary Cathy Cabral naman na in-charge sa Planning and Public-Private Partnership Service, ay isinisisi ang pagbaha sa mga basura na naiipon sa waterways. (JESSE KABEL RUIZ)

131

Related posts

Leave a Comment