MAYORYA sa mga rehistradong botante ay nagmumula sa hanay ng kabataan kaya kailangang gamitin nila ang kanilang pangunahing karapatang bumoto, lahad ni Brian Poe Llamanzares, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan partylist. Lumalabas sa talaan ng Commission on Elections (Comelec) na may 52% ng kabuuang rehistradong botante para sa May 2022 elections ay edad 18-40, na nasa ilalim ng youth vote category.
Sa pag-aaral ng United Nation Development Program, “kadalasan ang mga kabataan ang nagtutulak na pwersa sa likod ng mga kilusang reporma at ang kabataan ay may posibilidad na makisali sa mga aktibidad na sibiko, nakatuon sa serbisyo, tulad ng pagboboluntaryo para sa isang panlipunang layunin”.
Bilang pagkilala sa aktibong paglahok ng kabataan ay isinagawa ang konsultasyon sa sektor ng kabataan noong Setyembre na kapwa inorganisa ng FPJ Youth at FPJ Panday Bayanihan party-list kung saan kanilang inihain ang plataporma para sa mga kinatawan ng kabataan na ipahayag ang kanilang mga alalahanin at gumawa ng mga solusyon sa kanilang mga paaralan, sa kanilang mga komunidad at sa pamamahala.
Ipinahayag ni Brian Poe Llamanzares, pambansang tagapangulo ng FPJ Panday Bayanihan, ang damdamin nito nang hikayatin niya ang mga kabataan na mangarap ng malaki at makipagsapalaran.
“Bilang Kabataan, may pagkakataon kang mangarap at mangarap nang malaki. Laging may pagkakataon para gawin mo ang isang bagay na hindi pa handang gawin ng ibang tao dahil may kalayaan kang magkamali. Magagawa mo pa rin na habang bata ka, maaari kang bumuo ng isang daan at pagkatapos ay baguhin ito sa kalahati at pumunta sa ibang direksyon, ngunit kailangan mong subukan kahit papaano,” saad ni Llamanzares.
32