NAG-SWAB TEST SA MUNTINLUPA DIRETSO SA ISOLATION

PANSAMANTALANG ilalagay sa isolation facility ang mga sumailalim sa COVID-19 swab test na mga residente ng Muntinlupa City bagama’t hindi pa lumalabas ang resulta nito.

Ang naturang hakbang ay nakabase sa inaprubahang ordinansa ng Sangguniang Panglungsod sa mga walang kakayahan na mag-self isolation sa kanilang bahay o walang sariling kuwarto na may
sariling palikuran at may kasamang ‘vulnerable’ sa bahay gaya ng senior citizen, may pre-existing conditions o buntis.

Ayon sa paliwanag ni Muntinlupa City Mayor Jimmy Fresnedi, ang paglalagay sa isolation facility ay para hindi na lumabas ng bahay at gumala-gala ang nagpa-swab test.

Sa kasalukuyan, mayroong 3,431 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod makaraang madagdagan ng 42 bagong kaso ng nasabing sakit.

Batay sa datos ng Muntinlupa City government hanggang alas-6:00 noong Miyerkules ng gabi, Setyembre 2, sa nasabing bilang ay 765 ang aktibong kaso, 783 ang ikinokonsidera bilang probable case at 524 ang suspected cases.

Sa kabuuang bilang ng mga nagpositibo ay 2,545 residente na ang gumaling sa COVID-19 habang 121 naman ang namatay. (DAVE MEDINA)

112

Related posts

Leave a Comment