NANGANGAMOY DAYAAN BA ANG MAY 9, 2022 ELECTION?

MUKHANG may nabayaran na grupo para i-hack ang servers ng Commission on Elections (Comelec) para sa kapakinabangan ng kanilang kliyente.

Nitong nakaraang Sabado, Enero 8, 2022, lumabas sa ulat ng Manila Bulletin Technews team na may tumawag sa kanila na hina-hack ang servers ng Comelec.

Nakumpirma ng Manila Bulletin Technews team na hina-hack nga ang Comelec kaya agad nila itong ipinaalam sa tanggapan.

Natuklasan nila na pinasok ang system ng Comelec at dinownload ang files ng usernames at PINs ng Vote-Counting Machines (VCM).

Kasama rin daw sa na-download na files ay ang ‘network diagrams, IP addresses, list of all privileged users, domain admin domains, list of all passwords and domain policies, access to the ballot handling dashboard, and QR code captures of the bureau of canvassers with login and password.’

Sinabi naman ni Comelec Spokesperson James Jimenez na kanyang ipaaalam sa Comelec Steering Committee at paiimbestigahan nila ang insidente.

Kalaunan ay sinabi ni Jimenez na wala pa silang nakikitang senyales o ebidensiya na nagkaroon nga ng hacking.

Ang binabanggit daw kasing mga na-download na files ay hindi pa nila nailalagay sa makina.

Ayon pa kay Jimenez, nagtataka sila kung saan nanggaling ang impormasyon na nakuha ng Manila Bulletin Technews team na nagkaroon ng hacking sa servers ng Comelec.

Kung itinatanggi ng Comelec ang insidente ng hacking sa kanilang servers ay karapatan nila ‘yan.

Paano kung totoo? Pilit lang itinatanggi ng Comelec para hindi sila masira.

Sa ganang akin, hindi dapat ito balewalain ng mga awtoridad dahil nakasalalay rito ang kredibilidad ng May 9, 2022 national at local elections.

Sino ngayon ang nasa likod at ang makikinabang nito? ‘Yan ang dapat makalkal.

Hindi kikilos ang hackers kung hindi sila makikinabang sa kanilang ginagawa.

Minsan na rin lumabas ang isyu ng hacking sa Comelec noong 2016 election.

Kaya duda ng supporters ni dating Senador Bongbong Marcos (BBM) na ito ang dahilan ng kanyang pagkatalo.

Ngayon hindi na sila makakapayag, bantay-sarado na nila ang boto para kay BBM.

Kahit anong katatago ng isyu na ‘yan, ay sisingaw at ­sisingaw rin ‘yan.

Kung sinasabi ni Spokesperson Jimenez na walang hacking na naganap sa servers ng Comelec, sino ngayon ang nagsasabi ng totoo?

Sa pinakahuling natanggap na impormasyon ng PUNA ay tukoy na raw kung sino ang nasa likod ng hacking.

Parusahan ang dapat parusahan, paulit-paulit na lang yan, buwisit!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

154

Related posts

Leave a Comment