MATAPOS ang pagdaan ng Bagyong Uwan, personal na binisita ni Acting Chief PNP Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang PNP Command Center (PCC) ngayong Lunes ng umaga upang pangunahan ang pagsubaybay sa mga operasyon ng pulisya at pagtugon sa mga naapektuhang lugar.
Kasama si Police Colonel Ramon Pranada, hepe ng PCC, sinuri ni Lt. Gen. Nartatez ang mga ulat mula sa iba’t ibang rehiyon at yunit ng pulis na nakatalaga sa apektadong komunidad. Ipinakita ng pagbisita ang dedikasyon ng pamunuan ng PNP sa maayos na relief, rehabilitasyon, at seguridad na nakatuon sa kapakanan ng publiko.
Nakipag-ugnayan din siya sa mga tauhang naka-duty upang alamin ang pinakahuling ulat at magbigay ng tagubilin para mapanatili ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at mga responder. Binigyang-diin niya na ang tunay na pamumuno ay hindi lamang nasusukat sa panahon ng krisis kundi sa patuloy na pagtulong sa panahon ng pagbangon.
Aniya, ang epektibong pamumuno sa ganitong sitwasyon ay nangangailangan ng disiplina at malasakit, mga katangiang patuloy na ipinapamalas ng PNP sa kanilang serbisyo sa publiko.
Patuloy na nakahanda ang PNP sa relief, clearing, at rehabilitasyon operations sa mga lugar na tinamaan ni Uwan. Sa 24/7 operasyon ng Command Center, tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga yunit sa field upang tiyakin ang kaligtasan, matulungan ang mga evacuee na makabalik sa kanilang tahanan, at mapabilis ang pagbabalik sa normal na pamumuhay.
Ang pagbisita ni Lt. Gen. Nartatez ay sumasalamin sa pamumunong may malasakit at aksyon, paalala na ang tunay na paglilingkod sa bayan ay nagpapatuloy hangga’t may mga Pilipinong nangangailangan ng tulong.
(JULIET PACOT)
59
