(NI CESAR BARQUILLA)
DAPAT gawing prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng trabaho sa 10.9 milyong jobless sa bansa.
Ayon kay Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao, nangako si Pangulong Duterte noon na lilikha ng maraming trabaho at wawakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa ngunit mukhang mas lolobo pa ang bilang ngayon ng mga ‘jobless’ na Pinoy sa sariling bansa.
Dagdag pa nito, hindi lamang unemployment ang dinaranas ng mga Pilipino ngayon kundi minamaliit din ang kanilang kakayahan ng mismong Pangulo sa pagpabor na kumuha ng mga Chinese workers sa ilalim ng Build, Build, Build Program.
Giit ni Casilao, walang trabaho ang hindi kayang gawin ng 390,000 construction workers sa bansa.
Hindi rin kailangan ng dayuhang manggagawa dahil sobra ang labor force ng bansa bukod sa 10.9 milyong jobless ay mayroon ding 1.2milyong OFWs at 12 milyong reserved labor army ang Pilipinas.
Nagbabala ang kongresista sa paglobo pa ng unemployment sa bansa dahil sa pagsasantabi ng gobyerno sa sariling workforce.
170