(NI NILOU DEL CARMEN)
INILAGAY sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 106 na mga Chinese nationals na hinihinalang ilegal na nagtatrabaho sa pagawaan ng electronic products sa Laguna.
Huwebes ng umaga nang suyurin ng mga tauhan ng Biñan police at mga ahente ng Immigration Bureau ang tanggapan ng Smartwin Technology Incorporated sa Southwoods, Biñan.
Natuklasan na karamihan sa mga workers dito ay mga Chinese national.
Ayon kay Lt. Col Danilo Mendoza, hepe ng Biñan police, dadalhin sa tanggapan ng Bureau of Immigration sa Maynila ang mga Chinese workers para idaan sa beripikasyon at revalidation ang kanilang mga dokumento.
Sa sandali umanong mapatunayan na wala ang mga itong kaukulang dokumento para makapagtrabaho sa Pilipinas ay sasampahan ng kaso na paglabag sa Immigration law at ipade-deport din.
Ang Smartwin Technology Incorporated ay isang Chinese company na gumagawa ng mga charger at mga battery at may mga factory sa Shenzhen, China at Tainan, Taiwan.
208