11 NURSES SA PGH, ‘DI NAG-RENEW NG KONTRATA

BUKOD sa 11 doktor, ilang nurses na rin ang nagbitiw sa kanilang trabaho na hinihinalang dahil sa sobrang pagod bunsod ng nag-uumapaw na mga pasyenteng may COVID-19, ayon kay Dr. Jonas del Rosario, spokesperson ng Philippine General Hospital.

Ayon kay Del Rosario, wala nang balak na mag-renew ng kanilang kontrata sa PGH ang 11 nurses.

“May halong pagod… Medyo nakaka-overwhelm din ‘yung trabaho sa PGH…at siguro ‘yung iba rin baka nagkakasakit,” pahayag ni Del Rosario.

Nilinaw rin nito na ang 11 doktor na kinuha ng Department of Health (DOH) para sa PGH ay hindi na pumirma ng kontrata nang mapaso na ito.

Gayunman, may natitirang 11 pang doktor buhat sa DOH na nakatalaga sa PGH.

“Iba ang schedule ng residency training sa PGH eh. Maybe they are looking at other hospitals where they can look for their residency,” paliwanag pa ni Del Rosario.

Inamin ni Del Rosario na labis na makaaapekto ang pagkawala ng mga doktor at nurses sa paggamot nila sa mga pasyente.

Nasa 65%-75% ng kanilang mga pasyenteng may COVID-19 ang severe at kritikal ang kalagayan.

Noong Biyernes ng umaga, puno pa rin ang lahat ng COVID-19 beds ng PGH maliban sa isang OB bed. Mayroon pang anim na COVID patients na nananatili sa Emergency Room at isolation room na naghihintay ng bakanteng higaan.

Para sa mga walk-in na pasyente na dumarating, naglagay ang PGH ng mga oxygen tank sa labas upang matulungan sila sa paghinga.

“It is still advised that admissible COVID cases be referred to OHCC (One Hospital Command Center). We hope you understand our present situation and thank you for your cooperation and support,” paalala ni Del Rosario. (RENE CRISOSTOMO)

70

Related posts

Leave a Comment