(NI BERNARD TAGUINOD)
TINATAYANG aabot sa 113 ektaryang kagubatan ang masisira sa sandaling ituloy ng gobyerno ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam na popondohan ng China sa halagang P12.5 Billion.
Ito ang napag-alaman sa Bayan Muna party-list group sa Kamara na mahalaga sa kalikasan lalo ngayong lumalala ang climate change, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
“The construction of the Kaliwa Low Dam will destroy 113 hectares of forest reserves within the already critical Kaliwa Watershed,” ayon kina Bayan Muna chairman Neri Colmenares at Rep. Eufemia Cullamat.
Hindi pa kasama dito ang may 192,985 ektaryang ancestral domain ng mga katutubong Dumagat at Remontados sa General Nakar, Quezon province, Dingalan, Aurora province, Tanay, Rizal province at bahagi ng Santiago sa Laguna province.
Dahil dito, inaasahang mapapalayas aniya ang may 9,497 Dumagat at Remontados sa kanilang ninuno at tiyak din na maaapektuhan umano ang mga may 56,665 mamamayan sa General Nakar at Infanta sa Quezon province at Rizal partikular na sa Tanay at Teresa.
“We are also concerned about possible flooding of low-lying areas should the dams need to release excess water in times of heavy rains especially with the impact of climate change wreaking havoc in our weather system,” ayon pa kay Colmenares.
Dahil dito, ilalaban umano ng mga ito na huwag matuloy ang nasabing proyekto kahit nagbabala na si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Korte na huwag pakiaalaman ang Kaliwa Dam.
Nangangahulugan na kukuwestiyunin pa rin ng nasabing grupo ang nasabing proyekto sa Korte dahil sa paniniwalang hindi ito kailangan para matiyak na magkaroon ng sapat na supply ng tubig sa Metro Manila dahil marami aniyang pagkukunan ng tubig kung gugustuhin lamang ng mga ito.
“Marami pa namang ibang paraan para madagdagan ng tubig ang Metro Manila tulad ng Wawa dam at Laguna Lake pero ang Kaliwa dam ang pinagpipilitan. Mukhang may mga kikita kasi sa deal na ito pero mamamayan na naman ang tatamaan,” ayon kay Cullamat.
294