(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TILA kumpirmasyon sa malaon nang bulong-bulungan na may kickback ang mga mambabatas sa mga government project, ang pasabog kamakalawa ni Vice President Sara Duterte na may ilang taga-Kamara ang lumapit sa kanya at nanghihingi ng parte.
Sa isang taped interview na inilabas noong Lunes, mahaba ang salaysay ni Duterte na may kinalaman pa rin sa pagdinig ng Kamara sa 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Aniya, nagulat siya nang lumapit sa kanya ang ilang taga-House of Representative para manghingi ng parte, matapos mailaan ang pondo ng DepEd, na dati niyang pinamunuan bilang kalihim.
Nakalaan umano ang P5 billion para sa classroom construction ngunit gusto itong kontrolin ng mga opisyal ng Kongreso.
“Bakit pa tayo magba-budget hearing para sa Office of the Vice President dalawang tao lang naman ang nasusunod sa budget ng bayan natin,” dagdag pa niya.
Hindi aniya siya sanay sa ganung mga transaksyon.
Dito niya pinangalanan sina Speaker Martin Romualdez at House committee on appropriations chairman, Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co na nagmamanipula sa budget.
Ipinaliwanag ni VP Sara na isa sa mga dahilan kung bakit siya nagbitiw bilang Kalihim ng DepEd ay dahil sa pakikialam ng dalawang mambabatas sa budget ng departamento.
“Ang budget ng Pilipinas ay hawak lang ng dalawang tao. Hawak lang siya ni Cong. Zaldy Co at ni Cong. Martin Romualdez. ‘Yan ang katotohanan,” ayon kay VP Sara.
“So, dagdag ko lang ‘yan doon sa confirmation na kinuha nila ‘yung budget ng DepEd. At isa ‘yan sa mga rason kung bakit ako nag-resign sa Department of Education,” ang sinabi ni VP Sara.
Matatandaang, nag-alsa balutan si VP Sara at iniwan ang gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., noong nakaraang Hulyo.
“Hindi na ako papayag na sa susunod na taon ganyan pa rin ang gawin nila at ako ‘yung mananagot sa ginagawa nila,” aniya pa rin.
Ipinaliwanag pa nito na noong 2023, mayroon na aniyang alokasyon na P5 billion para sa classroom construction, at idinepensa niya ito mula sa ‘unnamed lawmaker’ na humirit ng “cut” sa pondo.
“Pero noong lumabas yung GAA o yung budget approved noong 2023, naging 15 billion siya dahil hindi nga ako pumayag na kunin ‘yung five billion, dinagdagan nila ng 10 billion ‘yung classroom construction ng Department of Education,” ang sinabi ni VP Sara.
Gayundin aniya ang nangyari sa budget ng DepEd para sa classroom construction noong 2024, nagkakahalaga naman ng P19 billion.
Aniya, naging P24 billion ito sa ilalim ng GAA, isiniwalat ni VP Sara na ang karagdagang P5 billion ay nagmula sa P6.5-billion para sa classroom rehabilitation, nag-iwan ng P1.5 billion para ayusin ang mga silid-aralan.
Inamin ni VP Sara na ang karanasan niyang ito ang dahilan ng kanyang pagtalikod para idepensa ang budget ng OVP para sa susunod na taon. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
64