11K ABS-CBN WORKERS JOBLESS NA SA MARSO?

MAWAWALAN na ng trabaho sa susunod na buwan ang may 11,000 empleyado at talent  ng ABS-CBN dahil patuloy na inuupuan ng House franchise committee ang prangkisa ng nasabing TV Network.

Ito ang kinatatakutan ni Laguna Rep. Sol Aragones dahil habang hindi kumikilos ang Kamara ay inaaksyunan na ng Korte Suprema ang Quo Warranto petition na isinampa ni Solicitor General Jose Calida laban sa ABS CBN.

Hindi lamang aniya ang mga nasa Pilipinas ang maaapektuhang empleyado ng TV network kundi ang mga naka-deploy sa North America, Europe, Middle East at mga bansa sa Asia.

Itinanggi naman ni Isabela Rep. Tonypet Albano na inuupuan ng komite ang prangkisa ng ABS-CBN tulad ng alegasyon ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza dahil may mga pulong bagaman closed door aniya ito.

Napikon naman si Atienza nang mag-close-open ang sesyon ng Kamara nitong Martes kaya duda ito na umiiwas ang liderato ng Kamara na mapag-usapan uli sa plenaryo ang prangkisa ng nasabing TV network.

HANGGANG 2022

Nagkakaisa naman ng pahayag sina Senate President Vicente Sotto III at Isabela Rep. Antonio Albano na aabot hanggang taong 2022 ang operasyon ng ABS CBN.

“They can still operate. If it’s not approved March of 2022, that’s the only time that it’s terminated. As long as may naka-file na bill, it is deemed extended. It has happened so many times with other franchises,” paliwanag ni Sotto.

Ang prangkisa ng nasabing media network ay matatapos sa Marso 30, 2020 at sa kasalukuyan ay nasa kamay na ng Kamara ang buhay nito.

Para naman kay Rep. Albano, vice chairman ng House Committee on Legislative Franchises, alinsunod sa kanilang rules ay maaaring mag-operate ang isang kumpanya na may nakabinbing franchise renewal petition.

Ayon kay Albano, kahit pa mayroong nakabinbin na quo warranto petition sa Korte Suprema ay hindi ito hadlang sa komite na magsagawa ng pagdinig.

UUSAD PA RIN

Aminado rin ang Malakanyang na uusad pa rin ang franchise renewal ng ABS-CBN sa Kongreso kahit pending ngayon ang quo warranto petition na inihain  ng Office of the Solicitor General kontra sa nabanggit na media conglomerate.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, independent ang hakbang ng OSG  sa dapat namang maging galaw sa mababang kapulungan patungkol sa pagpapa-renew  ng prangkisa ng ABS-CBN.

Ipinaliwanag ni Sec. Panelo na maaaring gumalaw nang sabay ang  quo warranto petition sa Korte Suprema at ang franchise renewal sa Kamara.

Gayunpaman, depende na aniya sa mga kongresista ang magiging takbo o development sa pagpapa- renew ng prangkisa ng giant network dahil sila-sila lamang ang makapagdedesisyon hinggil sa naturang usapin bilang isang independent branch of government. BERNARD TAGUINOD, NOEL ABUEL, ABBY MENDOZA, CHRISTIAN DALE

141

Related posts

Leave a Comment