(NI KEVIN COLLANTES)
NAGKAISA ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), sa pangunguna mismo ni Secretary Arthur Tugade, na i-donate na lamang sa mga biktima ng lindol sa Mindanao ang kanilang matatanggap na 14th month pay ngayong taon.
Nabatid na bukod sa kalihim, kabilang rin sa mga nangakong magdu-donate ng kanilang bonus ay ang lahat ng undersecretaries, assistant secretaries at mga heads ng attached agencies ng DOTr.
Ayon kay Tugade, mas makabuluhan ang pagdu-donate kung ito’y mula sa sarili mong pera.
Hindi rin aniya mahalaga kung gaano kalaki ang maiambag dahil ang importante ay nakatulong tayo sa kapwa.
Sa kanyang pagsuma, ang inisyal na halaga ng donasyon na kanilang natipon ay aabot sa P1.2 milyon.
Inaasahan naman niyang madodoble pa ito dahil marami pang mga opisyal at tauhan ng DOTr ang inaasahang magbibigay rin ng donasyon para sa biktima ng lindol.
“An initial amount of P1.2M has already been raised with the said pledge, and it is expected to be doubled by tomorrow with more donations from DOTr employees,” anang kalihim.
“Napakaraming suhestyon, napakaraming ideya. Talagang madaling magbigay kapag pera ng iba. Dapat matuto tayong magbigay ng sarili nating pera,” ani Tugade, nang pangunahan ang voluntary donation ng kanilang 14th month bonus nitong Martes. “It will be more meaningful that way. We have to give until it hurts.”
“Hindi importante kung gaano kalaki ang maiambag. Ang mahalaga ay ma-develop natin ang psyche ng pagtulong sa kapwa,” aniya pa.
261