177 paaralan sa NCR lalahok F2F CLASSES TULOY SA LUNES

SIMULA Disyembre 6, mas marami pang paaralan ang lalahok sa ipatutupad na face-to-face pilot testing ng Department of Education (DepEd) na nilahukan ng 177 eskwelahan, kabilang ang 28 pampublikong paaralan sa Metro Manila.

Ayon sa DepEd, higit na marami ang bilang ng mga paaralang makikibahagi sa pambungad na pagpapatupad ng in-person classes na una nang inaprubahan sa 118 lang na paaralan nitong nakaraang buwan.

Dalawang paaralan mula sa mga lungsod ng Maynila, Quezon City, Caloocan City, Mandaluyong City, Marikina City, Muntinlupa City, Navotas City, Parañaque City, Pasig City, Taguig City, Valenzuela City, at Las Piñas City ang pasok sa pilot run ng DepEd, samantalang tig-isang eskwelahan naman ang napili mula sa mga lungsod ng San Juan, Pasay, Malabon, at Makati.

Nobyembre 15 nang mag-umpisa ang pilot run ng face-to-face classes na noon ay nilalahukan lamang ng 100 paaralanng pumasa sa mahigpit na pagsusuri ng DepEd at Department of Health (DOH) na punong ahensyang may mandatong tiyaking ligtas ang mga silid aralan.

Bukod sa mga eskwelahan sa kabisera, may 18 pang iba sa iba’t ibang lokalidad na may mababang tala ng mga positibo ang tinukoy na bahagi ng programa.

Samantala, tinatayang umabot na sa 1,839,846 college students ang nabakunahan laban sa COVID-19.

Sinabi ni Commission on Higher Education (CHEd) Chair J. Prospero de Vera III na ang pigura ay katumbas ng 45.91% tertiary student population na umabot na sa 4,007,795 “as of November 25.”

“That is a significant increase because after the first two weeks of vaccination in October our vaccination rate was less than 30 percent. We’re now at almost 56 percent,” ani de Vera.

Iyon nga lamang, nananatiling may problema sa ilang lugar sa bansa pagdating sa tertiary students vaccination partikular na sa Region 5 (Bicol), Region 12 (Soccsksargen), at Region 4B (Mimaropa).

Nauna rito, sinabi ng CHEd na mas madali lamang ang school-based vaccination dahil may masterlists ang eskuwelahan ng vaccinated at unvaccinated students at mayroong pasilidad ang mga ito para sa tamang inoculation activities.

Sa kabilang dako, may 239,431 o 82.45% ng 290,380 higher education institution (HEI) personnel, kapwa teaching at non-teaching, ang nabakunahan na.

Malaki naman ang posibilidad na ilabas na sa Sabado o sa susunod na Linggo ng Department of Health (DOH) ang guidelines o mga patakaran para sa booster shot para sa mga labingwalong taong gulang pataas.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Myrna Cabotaje na sa sandaling maipalabas ang guidelines, pwede nang magsimula ang mga lokal na pamahalaan sa pagtuturok ng booster shot para sa particular age population.

Sa usapin naman aniya ng pediatric vaccination mula limang taong gulang hanggang labing isang taong gulang, wala pang rekomendasyon hinggil dito ang mga eksperto. (CHRISTIAN DALE)

13

Related posts

Leave a Comment