17M PINOY NAPAGKAITAN NG MALINIS NA TUBIG

SA gitna ng malawakang imprastraktura ng pamahalaan, nananatiling uhaw sa malinis na tubig ang tinatayang 17 milyong Pilipinong nananahan sa 455 na lokalidad sa mga kanayunan – suliraning inaasahang matutuldukan sa sandaling maisabatas ang panukalang “Potable Water Act of 2019.”

Sa pagdinig ng House committee on public works and highways, walang naitalang pagtutol sa substitute bill na naglalayong maghatid ng malinis at ligtas na tubig sa bawat tahanan.

Sa datos na kalakip ng naturang panukala, lumalabas na nasa 8 milyong Pilipino ang hindi hinatiran ng suplay ng tubig, habang sa 9 milyon naman ang may suplay pero hindi naman ligtas na inumin ng mga tao.

Ayon naman sa National Anti-Poverty Commission, nasa 455 munisipalidad ang walang suplay ng tubig habang nasa 100 namang lokalidad ang hindi ligtas inumin ang tubig na isinusuplay sa mga residente.

Paniwala ng mga ekonomista, balakid sa pag-unlad ng isang bayan ang kawalan ng malinis na suplay ng tubig.

Nakasaad naman sa naturang panukalang batas ang pagtatayo ng isang pasilidad na maghahatid ng potable water supply kada barangay.

Bago pa man isinalang ang Potable Water Act of 2019, inaprubahan na rin ng Kamara ang isang bukod na panukalang batas na nagtatakda ng rain harvesting facilities sa mga residential subdivisions, condominium, shopping malls, at maging sa mga pasilidad na pinangangasiwaan ng pamahalaan. (BERNARD TAGUINOD)

7

Related posts

Leave a Comment