NGAYON araw ng Linggo inaasahang darating ang unang batch ng overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Iraq na pinabalik sa bansa dahil sa patuloy na iringan ng bansang Iran at Estados Unidos.
Ayon kay Defense Department Spokesman Director Arsenio Andolong, nanatiling naka- alerto ang DND dahil sa nakaamba pa ring panganib sa buhay ng libo-libong OFW’s matapos itaas sa maximum ang security level sa bansang Kuwait simula Enero 9, 2020.
Nabatid na ang unang batch na mare-repatriate ay nasa Philippine Embassy sa Baghdad na dadalhin muna sa Doha sa Qatar bago tutulak ng Manila at sakay ng commercial flight.
Ayon pa kay Andolong, asahang madadagdagan pa ang bilang ng mga OFWs na paparating sa bansa sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na panawagan sa kanila na lumikas na hanggang hindi pa peligroso ang sitwasyon.
Patuloy din umano ang panawagan ng embahada ng Pilipinas sa OFWs na nasa naturang bansa na nais umuwi dito sa Pilipinas na makipag-ugnayan sa kanila. (JESSE KABEL)
170