(NI BERNARD TAGUINOD)
DALAWANG porsyento sa mga manggagawa ng mga ahensya ng gobyerno at mga pribadong korporasyon ang ookupahan ng mga ‘person with disabilities (PWDs) sa sandaling maging ganap na batas ang panukalang ito na inaprubahan na sa committee level sa Kamara.
Walang tumutol nang aprubahan sa House committee on ways and means ang substitute bill na hango sa iba’t ibang panukala na magbibigay ng insentibo sa mga pribadong korporasyon na mag-eempleyo ng mga PWDs.
Base sa nasabing panukala, ang mga private corporation kasama na ang mga ahensya ng gobyerno ay kailangang ireserba ang 2% sa posisyon sa kanilang kumpanya para sa mga PWDs.
Upang mahikayat ang mga pribadong kumpanya na mag-empleyado ng mga PWDs ay bibigyan ang mga ito ng insentibo.
Kasama sa mga insentibo na ito ay ibabawas sa kanilang gross income (na piangbabasehan sa kanilang babayarang buwis) ang katumbas ng 25% na ipinasod ng mga ito sa mga PWDs na kanilang inempleyo pansamantala at kapag ineregular nila ang mga ito ay aakyat ito sa 50%.
Upang walang mangyaring dayaan, tanging ang mga kumpanyang bibigyan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na recognition na patunay na nakasunod ang mga ito sa batas, ang bibigyan ng insentibo.
Gayunpaman, hindi dapat magkaiba ang sahod at bepenisyo na tinatanggap ng mga PWDs sa mga regular employees ng isang kumpanya upang masiguro ang equality sa mga empleyado.
“A qualified employee with disability shall be subject to the same terms and conditions of employment and share the same compensation, privileges, benefits, fringe benefits, incentives or allowances as a qualified able-bodied person,” nakasaad sa nasabing panukala.
159