(NI BERNARD TAGUINOD)
MATAPOS ma-delay ng isang kalahating buwan, naratipikahan na ang P3.757 Trillion national budget ngayong taon at nakatakda na itong pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte anumang araw ngayon.
Sa huling pulong ng mga contingent ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa Camp Aquinaldo kahapon, pinirmahan ang bicameral conference committee report bago ito hiwalay na niratipikahan sa Kamara at Senado.
Gumamit ng reenacted budget ang gobyerno sa unang isa’t kahating buwan ng taong kasalukuyan at dahil dito, hindi natanggap ng mga government employees ang kanilang umento sa sahod o 4th tranche ng Salary Standardization Law (SSL) 4.
Nadelay ang Kamara sa pagpapatibay sa national budget matapos muling busisiin ang proposed budget ng Palasyo ng Malacanang dahil sa natuklasang insertion umano ng Department of Budget and Management (DBM) na uamabot sa P75 Billion kaya imbes na Setyembre ay naipasa lamang ito noong Nobyembre 20, 2018.
Dahil dito, kinapos din ang Senado ng oras na maipasa ang kanilang bersyon sa national budget na karaniwang ipinasa sa unang linggo ng Disyembre at sa halip noong Enero 21, 2019 lamang nila ito pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa.
Lalong nagkaroon ng delay matapos hindi agad magkasundo ang mga contingent ng Senado at Kamara sa magkahiwalay na bersyon sa national budget matapos matuklasan ang mas malaking ‘insertions” ng Senado na umaabot sa P190 Billion na mahigit P51 Billion ng mga mambabatas.
Nais ng mga kongresista na idetalye ng mga senador ang kanilang insertions na tinawag nilang “institutional amendments” hanggang sa magpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa nadedelay na pambansang pondo.
396