(NI DANG SAMSON-GARCIA)
TINIYAK ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na hindi na mauulit ang delay sa pag-apruba ng 2019 national budget.
Sinabi ni Sotto na tiyak na bago matapos ang Disyembre ay aprubado na ang panukalang P4.1 trillion proposed 2020 national budget.
“I think pinakamatagal na siguro, first week of December nagba-bicam na, pinakamatagal na yun kung ready na nga sila i-submit sa amin by Monday, baka by November ready na kami for 3rd and final reading,” pahayag ni Sotto.
Ito ay makaraang maaprubahan na sa Kamara sa 3rd and final reading ang panukalang budget noong Huwebes ng gabi.
“Kung maipapasa nila sa amin bago matapos ang September that would be the record time. Usually natatandaan ko, mga October pa dumarating sa amin,” saad ni Sotto.
Sa pagtaya ni Sotto, kung maisusumite sa kanila ang General Appropriations Bill bago matapos ang buwan, posibleng sa pagbabalik sesyon nila sa Nobyembre ay maisalang na nila sa plenaryo ang panukala.
Nilinaw naman ni Sotto na bubusisiin pa rin nilang mabuti ang bawat detalye ng budget na mabilis na naipasa sa Kamara at hindi ito magsisilbing pressure sa kanila upang madaliin din ang pagpapasa nito.
“Not at all (pressured ba ang Senado na ipasa agad ang budget). It will give us better timetable,” diin ni Sotto.
167