(BERNARD TAGUINOD)
‘DEBT TRAP’.
Ganito inilarawan ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 2025 national budget ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagkakahalagang P6.352 trillion.
Dahil dito, aabot na umano sa P558,114 ang utang ng bawat pamilyang Pilipino sa susunod na taon na hindi umano makatarungan dahil habang pahirap nang pahirap ang mga ito ay ibinabaon sila ng administrasyon.
“Ang budget na ito ay parang isang malaking debt trap na tiyak na papasanin ng mga Pilipino sa susunod na taon. It’s a debt-driven disaster waiting to happen,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa 2025, tataas pa ang P117.6 billion na inilaang pondo para sa pambayad sa interest ng utang ng gobyerno dahil mula sa P670.4 billion ngayong 2024 ay magiging P848 billion na.
“Sobra-sobra na ang pag-utang ng administrasyong ito. Each Filipino family now owes P558,114 pero saan napupunta ang mga inuutang? Sa mga mamahaling infrastructure projects na hindi naman napapakinabangan ng ordinaryong mamamayan,” dagdag pa ng mambabatas.
Nangyari aniya ito dahil sa nakaraang 23 buwan, P204.6 billion ang inuutang ng Marcos Jr., administration kada-buwan na doble ang halaga sa inuutang noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
“The Marcos Jr. regime is burying us deeper in debt at an unprecedented pace, while failing to deliver tangible benefits to the masses,” dismayadong pahayag pa ni Brosas.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang P1.327 trillion o katumbas ng 20.9% sa 2025 national budget na laan sa Build Better More program at iba pang imprastraktura na tanging ang mga pinapaborang mga kontraktor lamang umano ang nakikinabang.
Napakalaking halaga aniya ito habang tinitipid ni Marcos ang sambayanang Pilipino dahil napakaliit ang pondong inilalaan sa mga social services tulad ng sektor ng edukasyon, kalusugan at iba pa.
“Kailangan nating busisiin nang mabuti ang budget na ito. Hindi pwedeng ibuhos ang budget sa pambayad-utang at imprastruktura habang nagugutom ang mga Pilipino. Dapat unahin ang kalusugan, edukasyon, at kabuhayan ng mamamayan,” giit ng mambabatas.
109