(NI BERNARD TAGUINOD)
ILANG panahon na lang ay puwede nang magretiro nang maaga ang mga government employees lalo na ang mga public school teachers matapos lumusot sa committee level sa Kamara ang pagpapaba sa optional retirement age.
Sa pagdinig ng House committee on Government Enterprises, inaprubahan ang House Bill (HB) 221 na inakda ni ACT party-list Rep. France Castro na naglalayong ibaba sa 56 anyos ang optional retirement ages mula sa 60 anyos na itinakda ng Government Service Insurance System (GSIS).
Gayunpaman, mananatili sa edad 65 anyos ang mandatory retirement age ng lahat ng mga government employees maliban sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang security forces.
Ayon kay Castro, matagal nang hinihiling ng mga government employees na ibaba ang optional retirement age sa 56 kaya noong 17th Congress ay ipinasa na rin ito subalit hindi naaksyunan ng Senado kaya hindi naging batas.
Nagharap ng pag-aaral si Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lourdes Lizada na nagpapakita na suportado umano ng iba’t ibang organisasyon at unyo ng mga government employees ang nasabing pagpapababa sa optional retirement age.
“Higit sa lahat, malakas ang panawagan hindi lang ng public school teachers kundi lahat ng kawani sa pamahalaan na bigyan sila ng layang makaparetiro ng maaga,” ani Castro.
Idinagdag pa ng mambabatas na “gusto nila na makapagpahinga na sa trabaho sa panahong mae-enjoy pa nila ang retirement benefits, at hindi mapupunta lahat sa gamot at ospital”.
Umaasa si Casto na agad na maisalang sa plenary debate ang nasabing panukala para sa ikalawa at ikatlong pagbasa upang puwede nang magretire ang mga government employees ng mas maaga.
148