MULA nang manungkulan bilang pangulo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bente otso porsyento sa sahod ng mga manggagawa sa buong bansa ang nalusaw dahil hindi nito mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, kailangang igiit na ng mga Pilipinong manggagawa na ipasa ang panukalang batas para sa P750 across the board wage increase sa buong bansa.
“Sa paltry. Paltry ang tawag namin… na inapruba ng mga regional wage board, barya-barya na ang inapruba at installment pa sa (ibang rehiyon),” ayon sa mambabatas.
Sa National Capital Region (NCR), P40 lamang ang ibinigay na umento, P30 sa Cagayan Valley na hinati sa dalawang bigayan; P40 sa Central Luzon at Socsargen, P35 na hindi buo kundi dalawang bigayan din.
Umaabot lamang sa P30 hanggang P35 ang umento sa mga manggagawa sa Ilocos Region; P30 sa Western Visayas habang sa Calabarzon o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay P35 hanggang P50.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas na kailangan nang maipasa ang kanilang panukalang batas na magkaroon ng legislative wage increase dahil wala umanong maasahang makatarungang sahod sa mga regional wage board.
“Wala na pong dahilan para iantala ito (P750 across the board wage increase) sa Kamara,” giit pa ni Brosas na mangyayari lamang kapag nagkaisa aniya ang mga manggagawa.
Ibinasura ni Brosas ang pananakot ng malalaking grupo ng mga negosyante na maraming negosyo ang magsasara dahil sa katunayan aniya, payaman nang payaman ang mga ito kahit noong panahon ng pandemya.
(BERNARD TAGUINOD)
325