2ND WAVE NG P1-K KADA PAMILYA IPAMAMAHAGI SA MAYNILA

MULING makatatanggap ng ayuda ang 607,000 pamilya sa lungsod ng Maynila dahil mula sa linggong ito, nasa 2nd wave na ang P1,000 cash na ipamamahagi mula sa City Amelioration Crisis Assistance Fund (CACAF).

Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Sabado, Mayo 16, makaraang maaprubahan ang ordinansa para sa 2nd wave ng P1,000 para sa lahat ng mga residente ng lungsod.

Mararamdaman na ng publiko, ayon sa alkalde, ang distribusyon cash assistance simula sa darating na linggo.

“Ito naman po ang aasahan niyong ayuda sa darating na dalawang linggo ng buhay natin ngayong Mayo. Naaprubahan na po last week ang second tranche ng CACAF. Tayo po ay muling magbibigay sa inyo, mga kababayan, ng P1,000 per family sa targeted 607,000 families sa Lungsod ng Maynila,” pahayag ng alkalde.

“Iyan po ay mararamdaman niyo na this coming week. We will give that immediately. In our own little way, mga kababayan, in our own little way, maibsan man lang namin ‘yung mga pangangailangan niyo sa buhay,” dagdag pa ng alkalde.

Kasabay nito, inanunsyo rin ng alkalde na ang lahat ng public school students ng lungsod, mula Kinder hanggang Grade 12, ay magsisimulang makatanggap ng food packs at hygiene kits sa buwan ng Mayo.

Tinatayang nasa 275,000 mag-aaral ang makikinabang sa nasabing ayuda. (RENE CRISOSTOMO)

72

Related posts

Leave a Comment