(NI BERNARD TAGUINOD)
APEKTADO ang may 3.7 million mahihirap na senior citizen sa pagkaka-delay ng 2019 national budget dahil nakapaloob dito ang kanilang P500 na pensiyon kada buwan sa ilalim ng Social Pension program.
Ayon kay Senior Citizens party-List Rep. Milagros Aquino-Magsaysay, hangga’t hindi maging batas ang 2019 General Appropriations Act (GAA) ay hindi matatanggap ng mga senior citizens ang kanilang P500 na buwanang pension.
Noong 2018, umaabot sa tatlong milyong mahihirap na matatanda ang nakinabang sa Republic Act (RA) 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 na nagbibigay ng P500 buwanang pension sa mga mahihirap na senior citizens.
Gayunpaman, manganganib na hindi matatanggap ng mga senior citizens ang pensyon nilang ito hangga’t hindi mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang national budget.
Lalong mapupurnada umano ang pagtanggap ng mga bagong nadagdag sa mga benepisaryo ng RA 9994 dahil nakapaloob sa 2019 national budget ang P23 Billion na pondo para dito.
Maliban dito, nagpahayag din ng pagkontra ang mambabatas sa Memorandum Circular No.04 series of 2019 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang pension fund ay matatanggap ng mga mahihirap na senior citizens kada ikaanim na buwan imbes na buwanan.
318