AABOT pa rin sa tatlumpung (30) porsiyento ang posibilidad na magkaroon ng malaking at mapanganib na pagsabog ang Bulkang Taal sa Batangas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sinabi ni PHIVOLCS Undersecretary Renato Solidum Jr., mayroong namo-monitor na bagong magma sa ilalim ng main crater ng bulkan bagaman wala ng usok at bumababa na rin ang mga naitalang volcanic quakes.
Ani Solidum, kahit 30-porsiyento na lang ang tinatawag na probability nang pagsabog, mataas pa rin ang antas ng bantang ito lalo na sa mga nasa loob ng 14 kilometer radius danger zone.
Subalit ipinahayag ni Solidum na pupuwedeng tumaas ang posibilidad nang pagsabog ng Bulkang Taal anumang oras.
“Nagbabago ‘yan… ito pong condition ng volcano can change lalong-lalo na po ang magma na galing sa ilalim na bago ay dumating na sa ibabaw,” paliwanag pa ni Solidum.
Inihayag pa ni Solidum na ngayong gumalaw na ang magma at hindi pa naibubuga, maraming senaryo ang maaaring mangyari.
“Pwede siyang tumuloy, magkaroon ng pagsabog na malakas—delikado sa mga tao. Pwede rin siyang tumigil na at sana ganoon na, hindi na masyadong problema,” ani Solidum.
“Pero sa history ng Taal Volcano, hindi pa rin nagtatapos ‘yung kaniyang istorya kasi minsan may mga pagitan ng buwan o taon ang pagitan ng mga eruption. Lalong lalo na, nandito na ‘yung magma na nagre-supply. Mabuti sana kung walang nagre-supply, madaling sabihin na okay na,” dagdag nito.
Samantala, pinawi ni Solidum ang pangamba na lalabas ang magma sa mga bitak o fissure na epekto ng mga pagyanig sa bulkan at sinabing ang focus ng aktibidad ay ang Taal Volcano Island.
Idiniin pa ng opisyal ng Phivolcs na huwag maniwala sa kumakalat sa social media na nagdudulot lang ng pangamba sa mga tao. (JG TUMBADO)
199