(NI ROSE PULGAR)
NASA 300 na mga jail officer ng Bureau of Correction (BuCor) ang pinalitan ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa New Bilibid Prisons (NBP) bilang hakbang para maitigil umano ang iregularidad sa bilangguan.
Sinabi ni BuCor spokesperson Wena Fe Dagan na 552 tauhan buhat sa NCRPO ang papalit sa mga tauhan ng BuCor na ipinatupad kahapon ang relief order laban sa kanila.
Isinasailalim rin sa imbestigasyon ang mga na-relieve na tauhan ng BuCor sa posibleng kaugnayan nila sa operasyon ng iligal na droga at iba pang anomalya sa Bilibid.
Bahagi ang pagtanggal sa 300 tauhan ng BuCor sa pinaiiral nilang ‘internal cleansing’ kasunod ng pumutok na kontrobersiya ukol sa samu’t saring ‘special treatment’ sa mga may perang bilanggo at patuloy na pag-ooperate ng mga drug lords kahit na nakakulong.
Nabatid na mga nakatalaga sa ‘maximum security compound’ ang mga jailguards na tinanggal habang isusunod rin ang paglilinis sa medium at minimum security compounds.
Ito rin ang napagkasunduan nina NCRPO Director Police Maj Gen Guillermo Eleazar at BuCor Director General Gerald Bantag sa pagpupulong nila ngayong Biyernes. Nakatakdang sumailalim naman sa pagsasanay at ‘refresher’ ang mga tauhan ng NCRPO sa mga polisiya at tungkulin sa NBP habang mahigpit ang bilin ni Eleazar na labanan ang lahat ng uri ng katiwalian sa kulungan.
146