WALANG sapat na numero sa Senado ang isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ito ang iginiit ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri sa gitna ng paninindigan kontra sa Charter change.
Ayon kay Zubiri, sa kanyang pagkakaalam, halos kalahati ng mga kasama niya sa mataas na kapulungan ay tutol sa Cha-cha.
Kaya naman kahit aniya itulak pa niya ito ay hindi makakakuha ng 3/4 votes o katumbas ng 18 boto, na pagpabor ng mayorya ng mga senador.
Idinagdag pa ng Senate leader na kung walang suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay mahihirapan ding umusad ang Cha-cha dahil sa executive department, partikular sa Department of Budget and Management (DBM), manggagaling ang pondo para rito.
Matatandaang una nang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi prayoridad ang Cha-cha.
Kaya naman iginiit ni Zubiri na mas mainam na pagtuunan na lang ng pansin ang priority measures na isinusulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa halip na Cha-cha na magdudulot lang anya ng dibisyon sa Senado.
Ikinasasama naman ng loob ng mga kongresista ang pagiging malamig ng mayorya ng Senado sa usapin.
Para kay House committee on constitutional amendment chairman Rep. Rufus Rodriguez, pagbalewala sa 301 congressmen ang hindi pagtalakay ng Senado sa resolusyon na magpatawag ng Constitutional Convention (ConCon) para amyendahan ang 1987 Constitution.
“The Senate cannot and should not ignore our initiative, which is an expression of the people’s consensus we gathered in our recent nationwide public hearings and consultations,” ayon sa kongresista.
Dalawang linggo na ang nakararaan nang pagtibayin ng 301 congressmen ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na nagpapatawag ng ConCon para amyendahan ang Saligang Batas.
Nakatakda namang ipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 7352, accompanying bill ng RBH No. 6 na gawing hybrid ang ConCon kung saan bukod sa ihahalal na ConCon delegates ay magtatalaga ng delegado ang Pangulo, Senate President at House Speaker ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, matapos itong lumusot sa ikalawang pagbasa noong nakaraang linggo.
“Inter-chamber courtesy calls that the Senate tackles any measure passed by the House, especially if it is approved by an overwhelming vote and requires urgent attention, and vice versa,” ani Rodriguez.
Dahil dito, kailangan aniyang talakayin ng Senado ang hiwalay na bersyon ng Cha-cha dahil hindi katanggap-tanggap na sabihin lang ni Zubiri na wala itong sapat na suporta sa kanilang kapulungan.
“Let the people know who are against and who are for reform that could result in more foreign companies investing or expanding their businesses in the country,” ayon pa sa mambabatas.
Mismong ang Fitch Solutions umano ang nagsabi na mababago ang investment at economic climate sa Pilipinas kapag naamyendahan ang mga economic provision ng Saligang Batas.
Kailangan na aniya ng bansa ang karagdagang investors lalo na’t 2.3 million Filipinos ang walang trabaho ngayon. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
