34 CONGRESSIONAL CANDIDATES ‘SURE BET’ SA POSISYON

congress

(NI BERNARD TAGUINOD)

TATLUMPU’T APAT na congressional candidate ang nakasiguro agad ng upuan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil walang lumaban sa mga ito sa kani-kanilang distrito.

Isang boto lang ang kinailangan nina Mandaluyong City Lone District candidate Neptali Gonzales II, Henry Villarica ng Bulacan, Junie Cua, ng Quirino, Ma. Lourdes Arroyo, ng Negros Occidental, Jose Benitez, ng Negros Occidental at Cristina Garcia, ng Bataan.

Sigurado rin sina Dan Fernandez sa Laguna, Timmy Chipeco, ng Calamba City, Vincent Garcia, ng Davao City, Resureccion Acop, ng Antipolo City, Elian Bulut, ng Apayao,  Mark Enverga, ng Quezon at Isidro Ungab, ng Davao City, Corazon Malanyaon, ng Davao Oriental at  Bai Rihan Sakaluran,  ng Sultan Kudarat dahil walang lumaban sa mga ito.

Maliban kina Arroyo, Benitez at Villarica, Acop, Sakaluran at Garcia (ng Bataan) pawang mga nagbabalik-Kongreso ang mga ito o naging dati ng kinatawan ng kanilang mga distrito at mga kaanak ang kanilang pinalitan.

Maging ang mga reelectionist na sina Caloocan City Rep. Dale Mapalitan, Wesly Gatchalian, ng Valenzuela City, Abraham Tolentino, ng Cavite, Strike Revilla, ng Cavite, Luis Ferrer IV, ng Cavite, Alex Advincula, ng Cavite, Charlie Cojuangco, ng Tarlac at  Mario Marino, ng Batangas, ay walang nakalaban.

Gayundin sina  Ramon Nolasco Jr., ng Cagayan,  Arnulfo Teves Jr., ng Negros Oriental, Leo Cueva,  ng Negros Occidental, Joel Mayo Almario,  ng Davao Oriental, Lorna Bautista-Bandigan, ng Davao Occidental, Ruwel Gonzaga,  ng Compostella Valley, Jose Tejada, ng Cotabato at Manuel Zubiri,  ng Bukidnon.

PARTY-LIST SOLONS INAABANGAN

Isa din sa mga inaabangan ay kung sino-sinong mga party-list organizations ang papasok sa 18th Congress. Sa ngayon ay 60 ang party-list congressmen mula sa 46 party-list organization na nanalo noong 2016 election.

Ang 17th Congress na nakatakdang matapos sa Hunyo 30, 2019 ng tangahali ay may 303 miyembro kung saan 243 dito ay mga district congressmen.

 

230

Related posts

Leave a Comment