(NI BETH JULIAN)
MAAARI nang makapag-operate simula ngayong Lunes ang ikatlong telco player na Mislatel.
Ito ang inihayag ni Department of Information and Communication Techonology (DICT) undersecretary for operations Eliseo Rio Jr., sa harap ng inaasahang paggawad sa Mislatel ng certificate of public convenience and necessity at frequency to operate ngayong July 8.
Paliwanag ni Rio, nakumpleto na ng Mislatel ang lahat ng hinihinging requirements para makakuha ng lisensya at makapagsimula ng operasyon.
Nabatid na may 5-year commitment sa gobyerno ang Mislatel na nangakong makapagbibigay ng 27 megabits per second na internet speed sa unang taon ng kanilang operasyon.
Posible rin umano na magkaroon na ng mga subscriber ang Mislatel sa huling bahagi ng taon.
“Officially pwede na silang magsimula, sa pagkuha nila ng lisensya nila bukas (Lunes), at doon nagsisimula ang commitment period nila 5 years. Every year for the next 5 years ay dapat gawin nila ang ating Telecommunications Commisison kung talagang masasatisfy nila o magawa nila yung kinokomit nila,” ayon kay Rio.
Dagdag pa ni Rio, gumagawa na ng hakbang ang kumpanyang Globe at Smart para mapabilis ang kanilang internet speed at makasabay sa pangakong serbisyo ng Mislatel.
Samantala, target din ng DICT na magkaroon ng ikaapat at ikalimang telco player sa bansasa hinaharap.
“Sikapin pa natin na magkaroon pa tayo ng 4th at 5th Telco in the future para talagang gaganda yung serbisyo ng ating mga telecommunication,” sabi pa ni Rio.
194