4 CHINESE NA PINALAYA, BABANTAYAN NG PNP  

bi44

(NI JG TUMBADO)

PATULOY pa rin babantayan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang aktibidad ng apat na Chinese national sa loob ng jail facility ng Bureau of Immigration (BI) sa kontrobersyal at kuwestyunable nilang pagkakalaya mula sa National Bilibid Prison dahil sa ilalim ng RA 10592 o mas kilala sa tawag na Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ito ang pagtitiyak ni PNP Chief General Oscar Albayalde kaugnay sa pagkakalaya nina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che, at Wu Hing Sum, bigtime shabu traders na pawang convicted sa kaso dahil sa pagpasok ng mga ito ng bilyong pisong halaga ng naturang ilegal na droga sa bansa.

“Part po yan ng ating intelligence monitoring dahil alam naman natin na itong mga ito ay former drug traders,” pahayag ni Albayalde sa pagdalo nito sa 118th Police Service Anniversary na ginanap sa Camp Olivas Police Regional Office 3 Headquarters sa San Fernando City sa Pampanga.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na ilan sa mga Chinese drug lords ay patuloy pa rin na nakakapag sagawa ng illegal drug trade sa Pilipinas kahit pa nasa bilangguan.

“What more kung nasa labas ‘yan, We have to monitor these people,” giit pa ni Albayalde.

Pero wala na umano silang magagawa kung ang mga tulad ng apat na pinakawalang Chinese shabu traders dahil sa Good Conduct Time Allowance sa ilalim ng RA 10592, para sila ay pigilan pang makalabas ng bilibid.

Dismayado rin ang hepe ng pambansang kapulisan sa naging pagbubunyag ni Senator Ping Lacson na nagkaroon ng multi milyong pisong halaga bilang bayad kapalit sa pagpapalaya ng apat na Chinese nationals.

“But if merong bigayan diyan, sinasabi na nga ni Sen. Lacson, then hindi po tama ‘yun”, saad pa ni Albayalde.

Matatandaang unang-una si Lacson sa nagbunyag sa kuwestiyonableng pagpapalaya sa apat na convicted Chinese drug traffickers mula sa pagkakakulong sa New Bilibid Prisons dahil umano sa Good Conduct Time Allowance habang binubuo ang kanilang habambuhay na sentensya.

Pirmado umano ni Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon ang release order ng mga ito na kalaunan ay itinanggi na siya ang pumirma.

Nananatiling nasa kostudiya ng Bureau of Immigration ang apat na Chinese nationals habang naghihintay na lamang ng kanilang tuluyang paglaya sa pamamagitan ng deportasyon.

 

137

Related posts

Leave a Comment