40 ISKUL APEKTADO SA 6.5 MAGNITUDE QUAKE SA N. COTABATO

deped25

(NI KEVIN COLLANTES)

NASA 40 paaralan ang naapektuhan at napinsala ng 6.3-magnitude na lindol na tumama sa North Cotabato nitong Oktubre 16, batay sa ulat ng Department of Education (DepEd).

Sa situation report na inilabas ng DepEd-Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), nabatid na ang lalawigan ng Sarangani ang may pinakamaraming bilang ng naapektuhang paaralan na umabot sa 17, kasunod ang Cotabato City na mayroon namang 11 paaralan na nasira.

Nasa apat naman ang paaralan na napinsala sa Koronadal City, tatlo sa Kidapawan City, dalawa sa Digos City, at tig-isa sa Davao del Sur, North Cotabato at South Cotabato.

Samantala, dahil pa rin sa lindol ay suspendido ang klase sa lahat ng antas sa may 3,873 paaralan na mula sa 17 divisions, at may 1,989,260 estudyante, hanggang nitong Huwebes, Oktubre 17.

Kabilang dito ang walong dibisyon na may 2,190 paaralan sa Region 12 o Soccsksargen, anim na dibisyon sa Region 11 o Davao region, na may 1,007 paaralan at tatlong dibisyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 676 paaralan.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng DRRMS ng DepEd na nagsasagawa na sila ng mga kaukulang hakbang upang makapagpaabot ng kaukulang tulong para agad na makabalik sa klase ang mga mag-aaral na naapektuhan ng lindol.

 

81

Related posts

Leave a Comment