400% HIKE SA INSURANCE PREMIUM KASADO SA 2023

(BERNARD TAGUINOD)

PAIIMBESTIGAHAN sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagtataas ng premium rate ng insurance ng hanggang 400%.

Base sa House Resolution (HR) 632, inaatasan ang House committee on agriculture na imbestigahan ang Insurance Commission Circular Letter No. 2022-34 na nakatakdang ipatupad sa Enero 1, 2023 na lalo umanong magpapahirap sa tao kabilang ang mga magsasaka.

“Lumalabas po sa konsultasyon natin, doble o hanggang quadruple ang pwedeng itaas sa mga binabayaran nating insurance tulad ng sa bahay, mga housing loan sa Pag-IBIG, sa GSIS, post-harvest facilities, agri machineries, fishing boats, dryers, mga storage, at pati ang Philippine Crop Insurance Corporation (non-crop insurance) apektado,” ayon sa resolusyon.

Ang mga nabanggit na ari-arian ay ipinapasok sa seguro (insurance) ng mga may-ari bilang paghahanda sa pinsala ng bagyo, baha, lindol at iba pang uri ng kalamidad.

Ngunit ang pagtataas ng premium rate ng mula 40% hanggang 400% ay hindi umano napapanahon dahil hindi pa nakababawi ang mga Pilipino sa pandemya sa COVID-19.

“Paano makakabawi sa kabuhayan ang marami nating kababayan sa ganitong mga dagdag na pasanin? Paano uunlad ang ating mga magsasaka at mangingisda, kung imbes na dagdag na ayuda, ay dagdag gastos ang naghihintay sa kanila sa susunod na taon?,” tanong pa sa resolusyon.

Nangangamba rin ang mga nasa likod ng nasabing resolusyon na nanganganib ang isinusulong na food security ng gobyerno dahil hindi na kakayanin ng mga tao lalo na ang magsasaka na magkaroon ng dagdag na gastusin.

“May domino effect po ang pagtaas na ito. Apektado dito ang manufacturing sector, at damay ang distribution, retail, pati na ang agrikultura,” nakasaad pa sa resolusyon.

40

Related posts

Leave a Comment