(FERNAN ANGELES)
MALAMIG na rehas ang posibleng kahantungan ni dating Local Government Undersecretary Martin Diño matapos sampahan ng patong-patong na kasong kriminal kaugnay ng pangongolekta umano ng P15,000 mula sa 480 aplikanteng target mapabilang sa Philippine Coast Guard.
Bukod sa estafa, nahaharap din si Diño at anim na iba pang nagpakilalang opisyal at miyembro ng PCG Auxiliary Group sa asuntong usurpation of authority bunsod ng paggamit ng pangalan, logo at insignia ng naturang grupo.
Sa kasong inihain sa piskalya, pinaratangan si Diño ng pangongolekta ng P15,000 kada ulo mula sa 480 residente ng Morong ( Bataan) para sa 101st Balangay PCGA Inc.
Ayon sa PCG, hindi awtorisado ang grupo ni Diño na mag-recruit ng mga bantay-dagat. Wala rin anilang karapatan ang nasabing grupo na gamitin ang pangalan, logo at insignia ng PCG.
Hiniling na rin ng PCG sa Securities and Exchange Commission (SEC) na kanselahin ang rehistro ng PCGA Inc. sa nabanggit na ahensya ng gobyerno.
Ang PCGA, anila ay nilikha sa bisa ng Republic Act 9993, bilang isang “volunteer civilian support group” ng PCG, kalakip ang pahintulot sa paggamit ng uniporme.
“They have to respect the PCG as an armed organization and preserve the sanctity of wearing the uniform,” ayon kay PCG spokesperson Commodore Armando Balilo, kasabay ng giit na isang krimen sa ilalim ng umiiral na batas ang pagkaladkad sa pangalan ng ahensya at maging ng katuwang na volunteer groups para makapangolekta.
Ayon kay Balilo, mismong mga biktima ng grupo ni Diño ang nagsuplong sa modus kung saan hinikayat ang 480 residente na magresign sa kani-kanilang hanapbuhay at sumapi sa PCGA kapalit ng P30,000 buwanang sweldo.
Subalit para maging kasapi ng PCGA, kailangan umanong magbayad muna ng P15,000 bilang “membership fee.”
Bukod sa 480 biktima mula sa bayan ng Morong, nakatakda rin maghain ng kaso ang iba pang naloko mula sa mga bayan ng Abucay at Hermosa.
Kabilang rin sa mga kinasuhan sina Renante Nase, Agustin Soria Jr., Laurence Nase, Reniel Nase, Jerry delos Santos at Christine Lingat.
Taong 2018 nang ulanin ng batikos si Diño matapos maglabas ng larawan sa social.media habang suot ng opisyal na uniporme ng Coast Guard. Sa nasabing uniporme, nakakabit din ang insignia para sa ranggo ng rear admiral.
