(NI BERNARD TAGUINOD)
MAHAHARAP sa limang taong pagkakakulong at pagmumultahin pa ng P300,000 ang mga negosyanteng may madayang timbangan lalo na sa mga ordinaryong palengke at talipapa.
Ito ang nakasaad sa House Bill (HB) 5060 na inakda ni Pangasinan Rep. Tyrone Agabas na nagpanukalang maglagay ng “Timbangan ng Bayan” sa lahat ng public market sa buong bansa.
“Unscrupulous traders continue to devise means to dupe consumers with the use of altered weighing scales or measures to the prejudice of the consuming public,” pahayag ni Agabas sa kanyang panukala.
Hindi aniya ito makatarungan dahil binayaran ng mga mamimili ng tama ang kanilang biniling produkto subalit hindi tama ang timbang ng kanilang nabili kaya dapat aniyang matapos na ang ganitong uri ng panloloko ng mga tiwaling negosyante.
Isa sa mga nikikita nitong dahilan ay dahil sa kawalan ng “timbangan ng bayan” sa mga palengke kaya hindi malalaman ng mga consumers na dinaya na sila ng kanilang pinagbilhan.
Dahil dito, panahon na aniya para magkaroon ng timbangan ng bayan sa lahat ng palengke upang ma-double check ng mga mamimili kung tama ang timbang kanilang binili.
Kapag naipasa ang nasabing panukala, ay itataas sa P50,000 hanggang P300,000 ang multa ng mga mahuhuling negosyante na may madayang timbangan mula sa kasalukuyang P200 lamang.
Maliban dito, makukulong din ang mga mandarayang negosyante ng mula isang taon at hindi tataas ng 5 taon lalo na kapag dalawang beses na itong nahuli na dinadaya nito ang kanyang timbangan.
241