50 PERCENT NG MGA NAKAIMBAK NA LAPTOP SA BODEGA NG DEPED, NAILABAS NA

KINUMPIRMA ni Education Secretary Juan Edgardo Angara sa Senado na nailabas na sa bodega ang 50 porsyento na ng mahigit 1.5 milyong laptops na nakaimbak ng may apat na taon o mula pa noong 2020.

Subalit, sa mga nadiskubre anyang malalaking classroom furnitures, 10 porsyento pa lamang ang kanilang nailalabas mula sa mga warehouse.

Sa pagtalakay ng Senate SubCommittee on Finance D sa proposed 2025 budget ng DepEd, sinabi ni Angara na katuwang nilang naglabas ng mga laptops at iba pang kagamitan ang Philippine Air Force, ilang ahensya ng gobyerno at pribadong indibidwal.

Ilang lokal na pamahalaan din, ayon kay Angara, ang nagboluntaryong tumulong matapos lumabas ang impormasyon.

Ipinaliwanag ni Angara na minadali na nila ang paglalabas at distribusyon ng mga laptops dahil mayroong lifespan ang ganitong teknolohiya.

Subalit, tiniyak naman sa kanya ng ilang Information Technology Experts ng kanilang ahensya na maaari pang ireboot o irepurpose ang mga laptops bagama’t hindi magiging kasinghusay ng mga bagong labas na computer.

Una nang kinumpirma ni Angara sa budget hearings sa Kamara na natuklasan nila ang 1.5 milyong laptops, mga libro at furnitures na nakaimbak sa bodega na laan sana para sa mga guro at mga paaralan.

Nabatid na hindi naideliver ng logistics company na Transpac ang mga gamit dahil nagkaroon ng alitan sa mga suppliers ng laptops at iba pang kagamitan.

Nangako ang kalihim na hindi na mauulit ang mga ganitong pangyayari dahil nagtakda na anya sila ng mga patakaran na ang mananalong bidder sa kanilang mga supplies ang magdedeliber sa mga recipients.(Dang Samson-Garcia)

54

Related posts

Leave a Comment