51M PINOY NAGUGUTOM

MAHIGIT 50 milyong Pilipino o halos kalahati ng populasyon ng Pilipinas ang nagugutom sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ito ang nabatid kay Amihan secretary general Cathy Estavillo dahil sa halip paunlarin aniya ng Pangulo ang sektor ng agrikultura at tulungan ang mga magsasaka ay inaasa nito ang pagkain ng mamamayan sa importasyon.

“Fifty one million mamamayang Pilipino ang nagugutom dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” deklarasyon ni Estavillo kaya sa unang araw ng ikatlong taon ni Marcos sa kapangyarihan ay sumugod ang mga ito sa paanan ng Malacanang para magprotesta.

Sinabi ni Estavillo na hanggang’t hindi binibigyan ng atensyon ang sektor ng agrikultura, makatotohanang reporma sa lupa, pagbibigay ng subsidy sa mga magsasaka, pagtatayo ng mga post harvest facilities ay patuloy na magugutom ang mga Pilipino.

Kailangang din aniya ang matubigan ang lahat ng irrigatable lands sa bansa kung nais ng gobyerno na magkaroon ng sapat na suplay na pagkain na magpapababa sa presyo nito upang mabawasan ang gutom na nararanasan ng mamamayan.

“At higit sa lahat, ibasura na ang mga neoliberal na ipinapatupad niya gaya ng Republic Act (RA) 11203 (Rice Tariffication Lw), yung Executive Order (EO) number 20, Executive Order number 62,” ayon pa kay Estavillo.

Nagbabala na kapag hindi binawi ni Marcos ang ang mga nabanggit na polisiya, partikular na ang EO 62 kung saan tatapyasan ng 15% ang taripa ng mga rice importers, ay aabot aniya sa P80 billion ang malulugi sa industriya ng palay sa bansa.

Ito ay dahil inaasahan na bababa pa nang husto ang imported na bigas sa Pilipinas dahil tiyak na sasamantalahin ng mga importers ang mababang taripa para mag-angkat ng higit sa pangangailangan ng mga Pilipino. (BERNARD TAGUINOD)

64

Related posts

Leave a Comment