56-anyos para pwede pa mag-relax OPTIONAL RETIREMENT BILL OK NA SA KAMARA

WALANG kahirap-hirap na nakalusot sa mapanuring mata ng Kamara ang panukalang magbibigay-daan sa mas maagang pagreretiro para sa mga empleyado ng gobyerno at maging sa hanay ng public school teachers.

Sa ilalim na House Bill 206, target ibaba ang optional retirement age sa 56 – mula sa dating 60-anyos. Inaasahan rin agad na isasalang para sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukalang batas sa susunod na linggo.

“Nasa likod ng panukalang ito ang maraming konsiderasyon legal, rasyonal, at humanitarian, isa rito ang 1991 United Nations Principles for Older Persons na nagsasabing – Older persons should be able to participate in determining when and at what pace withdrawal from the labor force takes place,” ani House deputy minority leader France Castro na kabilang sa mga kongresistang nagsulong ng HB 206.

Bukod sa edad 56 na optional retirement age, tampok rin sa naturang panukala ang probisyong nagbibigay pahintulot sa mga kawaning nakapagsilbi na ng 15 taon pataas sa pamahalaan.

Sa ilalim ng HB 206, hindi rin apektado ang benepisyong nakalaan sa mga government employees na gustong magretiro ng maaga – kung ano ang natatanggap na pensyon batay sa kasalukuyang batas, igagawad pa rin sa mga pipiliin ang early retirement.

Ang pinakamalaking sektor ng pamahalaan ay edukasyon, kalusugan, at social welfare, kung saan marami ang empleyadong ilang taon na lang ay senior citizen na. Ito rin aniya ang mga tanggapan kung saan pinaka mabigat ang trabaho at pinakamataas ang antas ng tinawag niyang “stress.”

“Sana ay ma-enjoy namin ang retirement namin habang may kakayahan pa kaming i-enjoy ito.” (BERNARD TAGUINOD)

57

Related posts

Leave a Comment