6 POLICE GENERAL, 12 IBA PA KINASUHAN SA SINAS PARTY

PINABORAN ng dating Philippine National Police (PNP) chief ang pagsasampa ng kaso laban kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief MGen. Debold Sinas at kanyang mga bisitang opisyal.

Sa panayam ng media, hindi maaaring isa-isantabi ang mga nagawa ni Sinas sa Metro Manila bilang pinuno ng PNP-NCRPO sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine para labanan ang pagkalat ng coronavirus disease,  gayunman, nararapat pa ring igawad dito  ang kaparusahan base sa imbestigasyon ng mga kinauukulan sa Department of the Interior and Local Government at PNP kaugnay ng idinaos niyang birthday party kamakailan dahil sa  paglabag sa ipinatutupad na quarantine protocol ng IATF.

Inihayag ni Senador Panfilo Lacson, dating PNP Director General  na kahit saang anggulo tingnan, hindi naging magandang  ehemplo si Sinas dahil sa nangyari sa “mañanita” o maagang pagbati sa kanyang birthday.

Nasampahan na ng kaukulang kaso ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) ang 19 na mga opisyal na kinabibilangan ng anim na heneral sa pangunguna ni Sinas  sa Taguig City Prosecutors Office nitong nakalipas na linggo.

Bukod kay Sinas, limang one star general ang kinasuhan, na kinabibilangan nina BGen. Nicolas Bathan, BGen. Florendo Quibuyen, BGen. Florencio Ortilla, BGen. Gerry Galvan, at BGen. Ildebrandy Usana.

Kasama rin sa mga sinampahan ng kaso ang mga opisyal na sina Col. Eliseo Tanding; Col. Remus Medina; Col. Raul Tacaca; Col. Emmanuel Peralta; Col. Thomas Frias Jr.; Col. Rodel Pastor; Col. Ferdinand Ortega; Col. Manuel Abrugena; Lt Col. Orlando Carag Jr.; Maj. Empream Paguyod; Maj. Britz Sales at dalawang police corporal.

Sa ibinahaging impormasyon ng PNP-PIO ,  naghain ng kaso laban sa mga nabanggit na opisyal ang  PNP-IAS at PNP Intelligence Group nitong nagdaang Biyernes.

Kasong paglabag sa Presidential Proclamation No 922, Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, RA 1132 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang isinampa laban sa mga ito.

Bukod dito, nilabag din umano ng mga inaakusahan ang ordinansa ng Taguig City kaugnay sa obligadong pagsusuot ng face mask.

Samantala, isinumite na ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo kay PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa ang report ng kanilang imbestigasyon sa birthday party o “mañanita” ni Sinas.

Kasama sa report ang mga ebidensya para masampahan ng kriminal at administratibong kaso si Sinas at iba pang mga opisyal at PNP personnel na dumalo sa naturang pagtitipon, na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na enhanced community quarantine. JESSE KABEL

 

79

Related posts

Leave a Comment