6 REHIYON ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY

INILAGAY na sa state of calamity ang anim na rehiyon na hinambalos ng bagyong Odette noong nakaraang linggo.

Sa kanyang Talk to the People, Martes ng gabi, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang resolusyon na nagdedeklara ng state of calamity sa Region 4B, 6, 7, 8, 10 at 13.

Sinabi pa ng Pangulo na ang nasabing deklarasyon ay makapagpapabilis sa relief at rehabilitation efforts sa calamity-stricken areas.

Sa ulat, nauna nang nanawagan si Albay Rep. Joey Salceda sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na irekomenda kay Pangulong Duterte ang pagdedeklara ng state of calamity sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyong Odette.

Ayon kay Salceda, maaari itong irekomenda ng NDRRMC sa ilalim ng National DRR Act (Republic Act 10121).

“A declaration will then activate measures such as price controls, reprogramming of funds for repair of infrastructure, and the granting of no-interest loans by the government financial institutions,” paliwanag ni Salceda.

Dapat din umanong bilisan ang pagpapalabas ng disaster response funds at President’s Contingency Fund na nakapaloob sa 2020 at 2021 General Appropriations Acts.

Pondo sa infra gamiting ayuda

Kaugnay nito, sinabi ni Salceda na maaari nang gamitin ni Pangulong Duterte ang mga pondong inilaan para sa repair ng mga imprastraktura sa mga lugar na isinailalim ng state of calamity.

“A declaration will then activate measures such as reprogramming of funds for repair of infrastructure,” ayon sa mambabatas.

Hindi sinabi ng solon kung magkano ang nakalaang pondo sa ilalim ng 2021 national budget, sa repair o pagsasaayos sa mga imprastraktura sa mga nabanggit na rehiyon subalit malaking tulong aniya ito para mapondohan ang pagbabangon sa mga ito.

“Both the 2020 and the 2021 budgets for these funds are still valid. You have around P6.5 billion in available fund balances from the NDRRM Fund and the President’s contingent funds, based on latest budget reports,” ayon pa sa mambabatas.

Kabilang aniya rito ang P2 billion na ni-remit ng PAGCOR sa social fund ng Pangulo ngayong taon.

Price control at loan interest

Dahil sa pagdedeklara ng state of calamity sa mga naturang rehiyon, mangangahulugan ito na hindi maaaring magtaas ng presyo ang mga negosyante.

Hindi rin papatawan ng tubo o interest ang uutangin ng mga miyembro ng government financial institutions (GFIs) tulad ng PagIBIG, Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) at iba pa.

Karaniwang tumatakbo sa GFIs, ang mga biktima ng kalamidad para sa pagpapa-repair ng kanilang nasirang bahay at magamit sa apektadong negosyo. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

——

3

Related posts

Leave a Comment