INABOT ng dagliang kamatayan ang pitong pulis at isa pang pasahero sa malagim na sakuna sa Purok 11, Brgy. Poblacion, Naawan, Misamis Oriental, nitong Linggo.
Kinilala ang mga nasawi na sina SSg Michael Ermac, SSg Marjun Reuyan, Abapo Anito (Ret. PSSg)– Driver; SSg Jevilou Cañeda, SSg Aaron Ticar, SSg Arnill Manoop at SSg Eugene Lagcao.
Isinugod naman sa pagamutan ang 26 iba pang biktima na karamihan ay mga pulis na nanggaling sa pagsasanay.
Ayon kay Police Brigadier General Lorenzo Coop, Regional director ng Police Regional Office 10, galing sa schooling at police training sa Cagayan de Oro ang mga pulis na sakay sa dalawang Toyota Hi Ace van.
Ayon sa imbestigador na si Pat. Joery Abragan ng Naawan Municipal Police Station, naganap ang insidente alas-9:25 ng umaga sa highway na patungong Cagayan de Oro City at Iligan City.
Tinangka umanong mag-overtake ng dalawang passenger van sa sinusundang wing van truck na pulis din ang laman subalit sa kasamaang palad ay biglang sumabog ang unahang gulong ng truck na nagresulta sa banggaan.
Kinumpirma rin ni Naawan Police Chief, Major Reynante Labio, na pawang estudyante ng senior leadership course ang mga biktima at galing sa Police Regional Office 10 sa Cagayan de Oro City. (JESSE KABEL RUIZ)
