75K TSUPER GUGUTUMIN NG MODERN PUVs

AABOT sa 75,000 jeepney drivers ang aagawan ng ruta at hanapbuhay sa Metro Manila matapos umarangkada ang mga modernong PUV o Public Utility Vehicles kahapon, Lunes.

Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, at kung ipapalagay aniya na may 5 miyembro sa pamilya ng bawat driver na ito ay halos kalahating milyon katao ang magugutom dahil sa PUV modernization program ng gobyerno.

Kahapon ay nagsimula nang bumiyahe ang mga bagong PUV ngunit hindi pa rin pinapayagan ang mga pampasaherong jeep at vans na ang patuloy na idinadahilan ay ang pandemyang COVID-19 na kinakaharap pa ring problema ng bansa lalo na sa Metro Manila.

“Huwag na tayong maglokohan. Modus itong public transport policy na ito dahil ginagamit lang ang pandemya para ipatupad ang PUV modernization program na dati pa nilang gustong ipatupad.

Huwag nang gamitin ang health alibi para gutumin pa lalo ang mga tsuper ng dyip, na karamihan ngayon nga ay namamalimos na,” ani Brosas.

Ayon sa mambabatas, kung pinabiyahe ang mga modernong jeep sa gitna ng pandemya, walang dahilan para patuloy na ipagbawal ang pamamasada ng mga pampasaherong jeep.

Gayunpaman, mukhang desidido aniya ang gobyerno na tuluyang alisin sa lansangan sa Metro Manila ang mga pampasaherong jeep kaya tanging ang mga modernong sasakyan na nagkakahalaga ng P2.4 Million ang bawat unit, ang pinayagang bumiyahe.

Payag naman aniya ang mga driver na palitan ng moderno ang kanilang sasakyan subalit wala lang kakayahan ang mga ito dahil napakamahal nito at hindi nila kayang bumili kung hindi sila tutulungan ng gobyerno. BERNARD TAGUINOD

60

Related posts

Leave a Comment