(NI NOEL ABUEL)
NAGBABALA ang isang senador laban sa mga ospital na mahaharap sa kaso at multa sa oras na mapatunayang humihingi ng deposito sa mga pasyente.
“May batas na laban diyan!”sabi ni Senador Risa Hontiveros sa pagsasabing nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Department of Health (DoH) sa mga natanggap nitong sumbong at reklamo sa ilang ospital na lumabag sa Republic Act 10932, mas kilalang Strengthened Anti-Hospital Deposit Law.
“Panatag ang loob ko na hindi pinapalampas ng DoH ang pagiging abusado ng ilang mga ospital,” ani Hontiveros kasabay ng pagtukoy na nasa 77 bagong kaso ang iniimbestigahan ng DoH.
Ipinaliwanag ni Hontiveros, na may akda ng nasabing batas, na sa mga kaso ng emergency na maaaring humantong sa pagkamatay ng pasyente, ang mga ospital ay hindi dapat humingi, humiling o tumanggap ng anumang deposito o anumang iba pang anyo ng paunang bayad bago mangasiwa ng pangunahing pangangalaga oras ng emergency.
“May tinalagang Sumbungan Board ang DOH para sa batas na ito. Isumbong natin ang mga abusadong ospital para matigil ang mga ganitong pangyayari,” giit nito.
Sa ilalim ng nasabing batas, maaaring magsumbong ang sinuman laban sa mga abusadong ospital sa Health Facilities Oversight Board sa hotline 165-364 o e-mail sa @doh.gov.ph.
Sinumang ospital na mapapatunayang nagkasala ay maaaring mabayaran ng hanggang sa P300,000 at pagkabilanggo ng hanggang sa dalawang taon at apat na buwan.
235